ANAK SA LIGAW
Ang salitang Hebreo para sa anak sa ligaw ay mam·zerʹ, isang salita na hindi matiyak ang pinagmulan, na posibleng nauugnay sa isang salitang Hebreo na isinalin bilang “sugat” sa Jeremias 30:13 at Oseas 5:13 at sa isang salitang Arabe na nangangahulugang “mabulok; nakakasuka,” anupat tumutukoy sa kasiraan.
Sa Deuteronomio 23:2, ang Kautusan ay kababasahan: “Walang anak sa ligaw ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova. Maging hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang sinumang mula sa kaniya ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova.” Ang numerong sampu ay kumakatawan sa pagiging kumpleto; sa gayon, ang “ikasampung” salinlahi ay nangangahulugang hindi kailanman makapapasok sa kongregasyon ang mga anak sa ligaw. Ganito rin ang kautusang ipinahayag may kinalaman sa Ammonita at Moabita, at doon ay idinagdag ang mga salitang, “hanggang sa panahong walang takda,” na nagbibigay-linaw sa puntong iyon. Gayunman, pinagbawalan ang Ammonita at Moabita, hindi dahil ang kanilang mga ninuno ay ipinanganak bunga ng insesto, gaya ng sinasabi ng iba, kundi dahil sa saloobing ipinakita nila sa Israel noong naglalakbay ang bansang ito patungo sa Lupang Pangako.—Deu 23:3-6; tingnan ang AMMONITA, MGA.
Kinamumuhian ni Jehova ang pakikiapid, pangangalunya, at insesto. Sa ilalim ng Kautusan, ang mapakiapid at ang nagsasagawa ng insesto ay pinapatay, at ang mga anak na babae ng Israel ay hindi dapat maging mga patutot. (Lev 18:6, 29; 19:29; 20:10; Deu 23:17) Karagdagan pa, kung ang anak sa ligaw ay tatanggap ng mana, lilikha ito ng kalituhan at pagkasira sa kaayusan ng pamilya; kaya naman hindi siya maaaring magkaroon ng mana sa Israel.
Inaangkin ng ilang komentarista na si Jepte ay isang anak sa ligaw, ngunit hindi ito tama. Hindi sinasabi ng Bibliya na siya ay anak sa ligaw; sinasabi nito na “siya ay anak ng isang babaing patutot.” (Huk 11:1) Gaya ni Rahab, na dati’y isang patutot ngunit napangasawa ng Israelitang si Salmon, ang ina ni Jepte ay walang alinlangang nakapag-asawa rin nang marangal, at sa gayon si Jepte ay hindi isang anak sa ligaw gaya rin ng anak nina Salmon at Rahab, na isang ninuno ni Jesu-Kristo. (Mat 1:5) Malamang na ang ina ni Jepte ay pangalawahing asawa ni Gilead, at maaaring si Jepte pa nga ang panganay ni Gilead. Kung isa siyang anak sa ligaw, hindi sana siya naging miyembro ng kongregasyon ng Israel, at hindi sana siya legal na nahilingan ng kaniyang mga kapatid sa ama, na nagtaboy sa kaniya, na maging kanilang ulo. (Huk 11:2, 6, 11) Hindi magiging anak sa ligaw si Jepte kahit anak pa siya ng isang pangalawahing asawa. Ang anak ng isang pangalawahing asawa ay may gayunding mga karapatan sa pagmamana tulad sa anak ng isang paboritong asawa, gaya ng sinasabi ng Kautusan sa Deuteronomio 21:15-17.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang noʹthos (‘anak sa ligaw,’ NW; ‘bastardo,’ KJ, Int) ay ginamit nang minsan sa Hebreo 12:8. Gaya ng ipinakikita ng konteksto, ang Diyos ay inihahalintulad ng manunulat sa isang ama na dumidisiplina sa kaniyang anak dahil sa pag-ibig. Sa gayon ay sinabi ng manunulat, “Kung kayo ay wala nitong disiplina na dito ay naging kabahagi ang lahat, kayo ay talaga ngang mga anak sa ligaw, at hindi tunay na mga anak.” Yaong mga nag-aangking anak ng Diyos ngunit namimihasa sa pagkakasala at pagsuway ay inihihiwalay mula sa kongregasyon ng Diyos at hindi tumatanggap ng disiplinang ibinibigay ng Diyos sa kaniyang tunay na mga anak upang dalhin sa kasakdalan ang mga ito.