INDIA
Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lugar na tinutukoy ng Bibliya sa pangalang “India.” (Es 8:9) Karaniwan nang iminumungkahi ng mga iskolar na tumutukoy ito sa lugar na dinaraanan ng Ilog Indus at ng mga sangang-ilog nito, samakatuwid nga, ang rehiyon ng Punjab at marahil pati ang Sind. Ipinahihiwatig ng patotoo ng istoryador na si Herodotus (III, 88, 94; IV, 44) na ang “India” ay unang naging bahagi ng Imperyo ng Persia noong panahon ng pamamahala ni Dario Hystaspis (521-486 B.C.E.). Noong panahon ni Ahasuero (itinuturing na si Jerjes I, anak ni Dario Hystaspis), ang India ang silanganing hangganan ng imperyo.—Es 1:1.
Malamang na pinamayanan ang Libis ng Indus di-nagtagal pagkatapos guluhin ang wika ng mga tagapagtayo ng Babel. Ang isang paghahambing ng sinaunang sibilisasyon ng Libis ng Indus at niyaong sa Mesopotamia ay nagsisiwalat sa pagtatayo ng mga istraktura tulad ng mga platapormang ziggurat ng Mesopotamia, mga eskultura ng pigura ng tao na ang mga ulo ay may tulad-maskarang hitsura na pangkaraniwan sa sinaunang eskultura ng Mesopotamia, at mga pictographic sign na may pagkakahawig sa sinaunang mga sulat ng Mesopotamia. Iminumungkahi ng Asiryologong si Samuel N. Kramer na ang Libis ng Indus ay pinamayanan ng isang bayan na tumakas mula sa Mesopotamia nang masupil ng mga Sumeriano ang lugar na iyon.