ISAIAS
[Pagliligtas ni Jehova].
Isang propeta, ang anak ni Amoz (hindi ang propetang si Amos). Naglingkod siya sa Juda at Jerusalem noong mga araw ng mga haring sina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias ng Juda. (Isa 1:1) Ang mga haring sina Peka at Hosea ang namamahala sa hilagang kaharian ng Israel, na nagwakas noong 740 B.C.E., sa panahon ng paglilingkod ni Isaias bilang propeta. Ang mga propetang kapanahon niya ay sina Mikas, Oseas, at Oded. Maliwanag na sinimulan ni Isaias ang kaniyang panghuhula nang mas huli kaysa kay Oseas at bago nagsimula si Mikas.—2Cr 28:9; Os 1:1; Mik 1:1.
Noong panahong naglilingkod si Isaias bilang propeta sa Juda, lalo na noong mga araw ni Haring Ahaz, ang kalagayan ng kaharian sa moral ay napakasama. Punô ito ng paghihimagsik kapuwa ng mga prinsipe at ng bayan, at sa paningin ni Jehova ay may sakit ang bansa sa puso at sa ulo. Ang mga tagapamahala ay tinawag na “mga diktador ng Sodoma” at ang bayan ay inihalintulad sa “bayan ng Gomorra.” (Isa 1:2-10) Patiunang sinabihan si Isaias na ang mga tainga ng mga ito ay magiging bingi. Sinabi ni Jehova na magpapatuloy ang kalagayang ito hanggang sa ang bansa ay mawasak at “isang ikasampu” lamang, “isang binhing banal,” ang matitirang gaya ng tuod ng isang dambuhalang punungkahoy. Tiyak na ang gawaing panghuhula ni Isaias ay nakaaliw at nakapagpatibay sa pananampalataya ng maliit na bilang na iyon, bagaman ang iba pa sa bansa ay tumangging magbigay-pansin.—Isa 6:1-13.
Bagaman ang Juda ang pinagtuunan ni Isaias ng pansin, bumigkas din siya ng mga hula tungkol sa Israel at sa mga bansa sa palibot, yamang may kaugnayan ang mga ito sa kalagayan at kasaysayan ng Juda. Naglingkod siya nang mahabang panahon sa katungkulan ng propeta, na nagpasimula noong mga 778 B.C.E., nang mamatay si Haring Uzias, o posibleng mas maaga pa, at nagpatuloy pa nang ilang panahon pagkaraan ng ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias (732 B.C.E.).—Isa 36:1, 2; 37:37, 38.
Ang Pamilya ni Isaias. May asawa si Isaias. Ang kaniyang asawa ay tinatawag na “propetisa” (Isa 8:3), na waring nangangahulugan ng higit pa sa pagiging asawa ng isang propeta. Maliwanag, tulad ni Debora noong panahon ng mga Hukom at tulad ni Hulda noong panahon ng paghahari ni Josias, nagkaroon siya ng atas ng panghuhula mula kay Jehova.—Huk 4:4; 2Ha 22:14.
Binabanggit sa Bibliya ang mga pangalan ng dalawang anak na lalaki ni Isaias, na ibinigay sa kaniya na gaya ng “mga tanda at gaya ng mga himala sa Israel.” (Isa 8:18) Si Sear-jasub ay malaki na noong mga araw ni Ahaz upang masamahan ang kaniyang ama nang maghatid ito ng isang mensahe sa haring iyon. Ang pangalang Sear-jasub ay nangangahulugang “Isang Nalabi Lamang (Yaong mga Nalalabi) ang Babalik.” Ang pangalang ito ay makahula sa dahilang, kung paanong talagang binigyan ng gayong pangalan ang isang anak na lalaking ipinanganak kay Isaias, gayundin na sa kalaunan ay ibabagsak ang kaharian ng Juda at isang nalabi lamang ang babalik pagkaraan ng isang yugto ng pagkatapon. (Isa 7:3; 10:20-23) Ang pagbalik na ito ng isang munting nalabi ay naganap noong 537 B.C.E. nang magpalabas si Haring Ciro ng Persia ng isang batas na nagpapalaya sa kanila mula sa Babilonya pagkaraan ng 70-taóng pagkatapon.—2Cr 36:22, 23; Ezr 1:1; 2:1, 2.
Isa pang anak na lalaki ni Isaias ang pinanganlan bago ito ipaglihi, at ang pangalan ay isinulat sa isang tapyas at pinatotohanan ng mapagkakatiwalaang mga saksi. Lumilitaw na pinanatili itong lihim hanggang sa maisilang ang anak na lalaki, noong maaari nang humarap ang mga saksi at magpatotoo na inihula ng propeta ang kapanganakang iyon, anupat pinatutunayan na may makahulang kahulugan ang bagay na iyon. Sa utos ng Diyos, ang bata ay pinanganlang Maher-salal-has-baz, nangangahulugang “Magmadali, O Samsam! Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin; o, Nagmamadali Patungo sa Samsam, Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin.” Inihula na bago matutong tumawag ang anak na lalaking ito ng, “Ama ko!” at “Ina ko!” maaalis ang banta sa Juda na umiiral dahil sa pagsasabuwatan ng Sirya at ng sampung-tribong kaharian ang Israel.—Isa 8:1-4.
Ipinahiwatig ng hula na malapit nang dumating sa Juda ang kaginhawahan; dumating nga ang kaginhawahan nang hadlangan ng Asirya ang kampanya ni Haring Rezin ng Sirya at ni Haring Peka ng Israel laban sa Juda. Nabihag ng mga Asiryano ang Damasco at, nang maglaon, noong 740 B.C.E., sinamsaman at winasak nila ang kaharian ng Israel, anupat lubusang tinupad ang makahulang kahulugan ng pangalan ng bata. (2Ha 16:5-9; 17:1-6) Ngunit sa halip na magtiwala kay Jehova, sinikap ni Haring Ahaz na hadlangan ang banta ng Sirya at Israel, anupat sinuhulan ang hari ng Asirya upang matamo ang proteksiyon nito. Dahil dito, pinahintulutan ni Jehova na ang Asirya ay maging isang malaking banta sa Juda at aktuwal itong bumaha sa lupain hanggang sa Jerusalem mismo, gaya ng ibinabala ni Isaias.—Isa 7:17-20.
Maraming beses na nagsalita si Isaias tungkol sa “mga tanda” na ibibigay ni Jehova, kabilang na sa mga ito ang kaniyang dalawang anak na lalaki at, sa isang pagkakataon, si Isaias mismo. Inutusan siya ni Jehova na lumakad nang hubad at nakatapak sa loob ng tatlong taon bilang isang tanda at isang palatandaan laban sa Ehipto at laban sa Etiopia, na nangangahulugang dadalhing bihag ang mga ito ng hari ng Asirya.—Isa 20:1-6; ihambing ang Isa 7:11, 14; 19:20; 37:30; 38:7, 22; 55:13; 66:19.
Mga Hula Hinggil sa Pagkakatapon at Pagsasauli. Nagkapribilehiyo rin si Isaias na ihula na hindi ang Asirya ang bansang magpapaalis sa mga hari ng Juda mula sa trono at wawasak sa Jerusalem, kundi ang Babilonya. (Isa 39:6, 7) Noong panahong bahain ng Asirya ang Juda “hanggang sa leeg,” inihatid ni Isaias ang nakaaaliw na mensahe kay Haring Hezekias na hindi makapapasok sa lunsod ang mga hukbong Asiryano. (Isa 8:7, 8) Tinupad ni Jehova ang Kaniyang salita nang magsugo siya ng isang anghel na pumuksa sa 185,000 sa makapangyarihang mga lalaki at mga lider ng hukbong Asiryano, sa gayon ay iniligtas ang Jerusalem.—2Cr 32:21.
Tiyak na ang nagdulot kay Isaias ng pinakamalaking kagalakan ay ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova na salitain at isulat ang maraming hula hinggil sa pagsasauli ng kaniyang minamahal na Jerusalem. Bagaman pahihintulutan ni Jehova na yumaon ang bayan sa pagkatapon sa Babilonya dahil sa paghihimagsik at pagsalansang laban sa kaniya, sa kalaunan ay hahatulan ng Diyos ang Babilonya dahil kumilos ito taglay ang mapaminsalang saloobin at balak nitong panatilihing bihag ang bayan ng Diyos magpakailanman. Maraming hula ni Isaias ang tungkol sa hatol ng Diyos laban sa Babilonya at sa pagiging tiwangwang na kaguhuan nito sa hinaharap, anupat hindi na muling itatayo.—Isa 45:1, 2; kab 13, 14, 46-48.
Ang mga hula ng pagsasauli na masusumpungan sa buong aklat ni Isaias ay nagtatampok sa di-sana-nararapat na kabaitan at awa ni Jehova sa kaniyang bayan at sa buong sangkatauhan. Inihuhula ng mga ito ang panahon kapag ang Jerusalem ay itataas sa isang bagong katayuan sa harap ni Jehova, isang kaluwalhatiang makikita ng lahat ng bansa, at kapag siya ay magiging isang pagpapala sa lahat ng mga bansa. Ang Jerusalem ay aktuwal na isinauli at muling itinayo at pinagpala dahil sa presensiya roon ng Mesiyas, na “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2Ti 1:10) Ang pagsasauli ng Jerusalem ay mayroon ding mas malaki at mas dakilang katuparan sa hinaharap.—Ro 15:4; 1Co 10:11; Gal 4:25, 26.
Mga Epekto ng Gawain ni Isaias. Isinulat ni Isaias hindi lamang ang aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan kundi maliwanag na pati ang isang aklat ng kasaysayan, ang mga pangyayari kay Haring Uzias, na tiyak na naging bahagi ng opisyal na mga rekord ng bansa. (2Cr 26:22) Dahil sa tapat na pagsasagawa ni Isaias ng gawaing panghuhula na iniatas ni Jehova, nagkaroon siya ng malaking impluwensiya sa kasaysayan ng bansa, lalo na bilang resulta ng kaniyang pagpapayo at pagpatnubay sa matuwid na si Haring Hezekias. Gayundin, marami sa mga hula ni Isaias ang may mas malaking katuparan sa Mesiyas at sa Kaharian nito. Ang aklat ni Isaias ay maraming beses na sinipi o tinukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa maraming pagkakataon, ikinakapit ng mga Kristiyanong manunulat ang mga hula ni Isaias kay Jesu-Kristo o binabanggit nila ang katuparan ng kaniyang mga hula sa kanilang panahon.