ITALYANO, PANGKAT NA
Isang yunit ng hukbong Romano kung saan naglingkod si Cornelio ng Cesarea bilang isang senturyon. Sa kaisa-isang pagbanggit ng Bibliya sa pananalitang ito, sinasabing si Cornelio ay “isang opisyal ng hukbo ng pangkat na Italyano, gaya ng tawag dito.” (Gaw 10:1) Malamang na isa itong cohort, anupat tinawag nang gayon upang ipakitang iba pa ito sa karaniwang mga hukbong Romano. Ang isang cohort ay binubuo ng mga 600 lalaki, samakatuwid nga, mga ikasampu ng dami ng isang hukbo. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, malamang na ang cohort na ito ay binubuo ng mga boluntaryo na kinalap sa Italya, anupat ang mga iyon ay may pagkamamamayang Romano alinman bilang mga taong ipinanganak na malaya o bilang mga taong pinalaya.
Hindi sinasabi ng kasulatan na nakahimpil sa Cesarea ang pangkat na Italyanong ito. Sinasabi lamang nito na si Cornelio, isa sa mga opisyal ng hukbo nito, ay tumatahan sa Cesarea.—Gaw 10:1, 2, 22, 24.