JETRO
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “labis-labis pa; pag-apaw”].
Biyenan ni Moises, isang Kenita. (Exo 3:1; Huk 1:16) Si Jetro ay tinatawag ding Reuel. (Bil 10:29) Malamang na ang Jetro ay isang titulo, samantalang ang Reuel naman ay personal na pangalan. Gayunman, pangkaraniwan sa isang pinunong Arabe na magkaroon ng dalawa o higit pang mga pangalan, gaya ng pinatototohanan ng maraming inskripsiyon. Ang Jetro ay binabaybay na “Jeter” sa tekstong Masoretiko sa Exodo 4:18.
Si Jetro ‘ang saserdote ng Midian.’ Yamang siya ay ulo ng isang malaking pamilya ng di-kukulangin sa pitong anak na babae at isang binanggit na anak na lalaki (Exo 2:15, 16; Bil 10:29), at may pananagutang maglaan para sa kaniyang pamilya sa materyal at manguna rin sa kanila sa pagsamba, siya ay angkop na tawaging ‘ang saserdote [o pinuno] ng Midian.’ Sa ganang sarili, hindi ito nagpapahiwatig ng pagsamba sa Diyos na Jehova; ngunit maaaring naitimo sa mga ninuno ni Jetro ang tunay na pagsamba, at marahil ang ilang bahagi nito ay nagpatuloy sa pamilya. Ipinahihiwatig ng kaniyang paggawi na mayroon siyang matinding paggalang sa Diyos ni Moises at ng Israel.—Exo 18:10-12.
Ang pakikisama ni Jetro sa kaniyang mamanugangin ay nagsimula di-nagtagal pagkaraang tumakas si Moises mula sa Ehipto noong 1553 B.C.E. Tinulungan ni Moises ang mga anak na babae ni Jetro na painumin ang mga kawan ng kanilang ama, at iniulat nila ito sa kanilang ama, na malugod namang nagpatuloy kay Moises. Nanuluyan si Moises sa sambahayan ni Jetro at nang maglaon ay napangasawa ang anak nito na si Zipora. Pagkatapos ng mga 40 taon ng pagpapastol sa mga kawan ni Jetro sa kapaligiran ng Bundok Horeb (Sinai), si Moises ay tinawag ni Jehova upang bumalik sa Ehipto, at bumalik siya taglay ang pagsang-ayon ng kaniyang biyenan.—Exo 2:15-22; 3:1; 4:18; Gaw 7:29, 30.
Nang maglaon ay nabalitaan ni Jetro ang malaking tagumpay ni Jehova laban sa mga Ehipsiyo, at kaagad siyang pumaroon kay Moises sa Horeb, kasama si Zipora at ang dalawang anak ni Moises; napakasaya ng kanilang muling pagkikita. Bilang tugon sa paglalahad ni Moises tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng pagliligtas ni Jehova, pinagpala ni Jetro ang Diyos at sinabi: “Ngayon ay alam kong si Jehova ay mas dakila kaysa sa lahat ng iba pang diyos.” Pagkatapos ay naghandog siya ng mga hain sa tunay na Diyos. (Exo 18:1-12) Nang sumunod na araw, namasdan ni Jetro kung paano pinakikinggan ni Moises ang mga suliranin ng mga Israelita “mula umaga hanggang gabi.” Sa pagkakitang nakahahapo ito kapuwa kay Moises at sa bayan, iminungkahi ni Jetro ang isang sistema ng pagkakatiwala ng awtoridad sa iba. ‘Magsanay ka ng ibang may-kakayahan at karapat-dapat na mga lalaki bilang mga pinuno ng sampu-sampu, lima-limampu, daan-daan, at libu-libo upang pagpasiyahan ang mga kaso, anupat diringgin mo lamang ang hindi nila kayang lutasin.’ Sumang-ayon si Moises, at nang maglaon ay bumalik na si Jetro sa kaniyang sariling lupain.—Exo 18:13-27.
Ang anak ni Jetro na si Hobab ay hinilingan ni Moises na maging giya ng Israel. Lumilitaw na pagkatapos ng kaunting panghihikayat, pumayag siya, at ang ilan sa kaniyang pangkat ay pumasok sa Lupang Pangako kasama ng Israel. (Bil 10:29-33) Sa Hukom 4:11 ay tinutukoy si Hobab bilang biyenan ni Moises sa halip na kaniyang bayaw, at naging dahilan ito ng kalituhan sa pag-unawa. Gayunman, ang pananalitang Hebreo na karaniwang isinasalin bilang “biyenang lalaki,” sa mas malawak na diwa, ay maaaring tumukoy sa sinumang kamag-anak na lalaki sa pamamagitan ng pag-aasawa at sa gayon ay maaari ring mangahulugang “bayaw.” Ang pagsasabing si Hobab ang biyenan ni Moises sa halip na si Jetro ay sasalungat sa iba pang teksto. Kung ang Hobab ay isa pang pangalan ni Jetro, gaya ng ipinapalagay ng ilan, mangangahulugan din ito na dalawang lalaki, ama at anak, ang may pangalang Hobab. Sa kabilang dako naman, si Hobab, bilang isang nangungunang miyembro ng sumunod na salinlahi ng mga Kenita, ay maaaring gamitin sa tekstong ito bilang kinatawan ng kaniyang ama.—Tingnan ang HOBAB.