JUAN, MABUTING BALITA AYON KAY
Isang ulat ng buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, ang huling isinulat sa apat na Ebanghelyo.
Manunulat. Bagaman hindi binabanggit sa aklat ang pangalan ng manunulat, halos lahat ay kumikilalang isinulat ito ng apostol na si Juan. Mula sa pasimula, walang kumuwestiyon sa kaniyang pagiging manunulat nito, maliban sa isang maliit na grupo noong ikalawang siglo na tumutol salig sa diumano’y kakaibang mga turo sa aklat, ngunit hindi dahil sa anumang ebidensiya hinggil sa kung sino ang manunulat. Nang pumasok ang makabagong “mapanuring” pag-aaral ay saka lamang muling kinuwestiyon ang pagiging manunulat ni Juan.
Ang panloob na katibayan na talagang ang apostol na si Juan, na anak ni Zebedeo, ang sumulat ng aklat ay binubuo ng napakaraming patotoo mula sa iba’t ibang punto de vista, anupat lubha nitong nahihigitan ang anumang argumento na salungat dito. Kakaunting punto lamang ang binabanggit dito, ngunit taglay ang mga iyon sa isipan, ang alistong mambabasa ay makasusumpong ng mas marami pa. Narito ang ilan:
(1) Maliwanag na ang manunulat ng aklat ay isang Judio, gaya ng ipinahihiwatig ng pagiging pamilyar niya sa mga opinyon ng mga Judio.—Ju 1:21; 6:14; 7:40; 12:34.
(2) Siya’y katutubo sa lupain ng Palestina, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang pagiging lubos na pamilyar sa rehiyong iyon. Ang mga detalyeng binanggit may kinalaman sa mga lugar na tinukoy ay nagpapahiwatig ng personal na kabatiran sa mga iyon. Tinukoy niya ang “Betania sa kabila ng Jordan” (Ju 1:28) at ang ‘Betania malapit sa Jerusalem.’ (11:18) Isinulat niya na may hardin sa lugar kung saan ibinayubay si Kristo at may isang bagong alaalang libingan doon (19:41), na si Jesus ay ‘nagsalita sa ingatang-yaman habang nagtuturo siya sa templo’ (8:20), at na “panahon noon ng taglamig, at si Jesus ay naglalakad sa templo sa kolonada ni Solomon” (10:22, 23).
(3) Ipinakikita ng sariling patotoo ng manunulat at ng makatotohanang katibayan na isa siyang aktuwal na saksi sa mga pangyayari. Tinukoy niya ang mga pangalan ng mga indibiduwal na nagsabi o gumawa ng partikular na mga bagay (Ju 1:40; 6:5, 7; 12:21; 14:5, 8, 22; 18:10); detalyado niyang sinabi ang panahon ng kaganapan ng mga pangyayari (4:6, 52; 6:16; 13:30; 18:28; 19:14; 20:1; 21:4); makatotohanan siyang bumanggit ng mga bilang sa kaniyang mga paglalarawan, anupat ginawa iyon nang walang pagpapalabis.—1:35; 2:6; 4:18; 5:5; 6:9, 19; 19:23; 21:8, 11.
(4) Ang manunulat ay isang apostol. Tanging isang apostol ang maaaring maging aktuwal na saksi sa napakaraming pangyayari na nauugnay sa ministeryo ni Jesus; gayundin, ang matalik na kabatiran niya sa pag-iisip ni Jesus, sa Kaniyang mga damdamin, at sa Kaniyang mga dahilan sa partikular na mga pagkilos ay nagsisiwalat na isa siya sa grupo ng 12 na kasama ni Jesus sa Kaniyang buong ministeryo. Halimbawa, sinasabi niya sa atin na nagharap si Jesus kay Felipe ng isang tanong upang subukin ito, “sapagkat alam naman niya kung ano ang kaniyang gagawin.” (Ju 6:5, 6) Alam ni Jesus “sa kaniyang sarili na ang kaniyang mga alagad ay nagbubulung-bulungan.” (6:61) Alam niya “ang lahat ng bagay na darating sa kaniya.” (18:4) Siya’y “dumaing sa espiritu at nabagabag.” (11:33; ihambing ang 13:21; 2:24; 4:1, 2; 6:15; 7:1.) Pamilyar din ang manunulat sa mga kaisipan at mga pananaw ng mga apostol, na ang ilan ay mali at itinuwid nang maglaon.—2:21, 22; 11:13; 12:16; 13:28; 20:9; 21:4.
(5) Karagdagan pa, ang manunulat ay tinutukoy bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus.” (Ju 21:20, 24) Maliwanag na isa siya sa tatlong pinakamatatalik na apostol ni Jesus na pinili niyang makasama sa ilang pagkakataon, gaya noong pagbabagong-anyo (Mar 9:2) at noong panahon ng kaniyang matinding paghihirap sa hardin ng Getsemani. (Mat 26:36, 37) Sa tatlong apostol na iyon, hindi maaaring si Santiago ang manunulat sa dahilang ipinapatay siya ni Herodes Agripa I noong mga 44 C.E. Walang anumang katibayan na isinulat ang Ebanghelyong ito nang gayon kaaga. Hindi rin posible na si Pedro ang manunulat sapagkat binanggit ang kaniyang pangalan kasama ng “alagad na minamahal ni Jesus.”—Ju 21:20, 21.
Autentisidad. Ang Ebanghelyo ni Juan ay tinanggap ng sinaunang kongregasyong Kristiyano bilang kanonikal. Lumilitaw ito sa halos lahat ng sinaunang katalogo, anupat tinatanggap sa mga iyon nang walang pag-aalinlangan bilang tunay. Ang mga liham ni Ignatius ng Antioquia (mga 110 C.E.) ay kakikitaan ng malilinaw na palatandaan ng paggamit niya ng Ebanghelyo ni Juan, gaya rin ng mga isinulat ni Justin Martyr pagkalipas ng isang salinlahi. Matatagpuan ito sa lahat ng pinakamahahalagang codex ng Kristiyanong Griegong Kasulatan—mga codex na Sinaitic, Vatican, Alexandrine, Ephraemi, Bezae, Washington I, at Koridethi—gayundin sa lahat ng maagang bersiyon. Ang isang piraso ng Ebanghelyong ito na naglalaman ng isang bahagi ng Juan kabanata 18 ay nasa John Rylands Papyrus 457 (P52), na mula noong unang kalahatian ng ikalawang siglo. Gayundin, ang ilang bahagi ng mga kabanata 10 at 11 ay matatagpuan sa Chester Beatty Papyrus No. 1 (P45), at ang isang malaking bahagi ng buong aklat ay matatagpuan sa Bodmer Papyrus No. 2 (P66) na mula noong maagang bahagi ng ikatlong siglo.
Kung Kailan at Saan Isinulat. Karaniwang ipinapalagay na si Juan ay pinalaya mula sa pagkatapon sa pulo ng Patmos at nasa Efeso o malapit dito, mga 100 km (60 mi) mula sa Patmos, noong panahong isulat niya ang kaniyang Ebanghelyo, mga 98 C.E. Pinabalik ng Romanong si Emperador Nerva (96-98 C.E.) ang marami sa mga itinapon noong pagtatapos ng paghahari ng kaniyang hinalinhan na si Domitian. Maaaring kabilang si Juan sa mga ito. Sa Apocalipsis na tinanggap ni Juan sa Patmos, ang Efeso ay isa sa mga kongregasyon na iniutos sa kaniya na sulatan.
Si Juan ay nabuhay nang napakatagal, anupat malamang na siya’y nasa mga edad na 90 o 100 nang isulat niya ang kaniyang Ebanghelyo. Walang alinlangang pamilyar siya sa tatlong iba pang ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus sa lupa, gayundin sa Mga Gawa ng mga Apostol at sa mga liham na isinulat nina Pablo, Pedro, Santiago, at Judas. Nagkaroon siya ng pagkakataong makita ang lubusang pagkakasiwalat ng doktrinang Kristiyano at nakita niya ang mga epekto ng pangangaral tungkol dito sa lahat ng mga bansa. Nakita rin niya ang pasimula ng “taong tampalasan.” (2Te 2:3) Nasaksihan niya ang katuparan ng marami sa mga hula ni Jesus, partikular na ang pagkawasak ng Jerusalem at ang katapusan ng Judiong sistemang iyon ng mga bagay.
Layunin ng Ebanghelyo ni Juan. Si Juan, sa pagkasi ng banal na espiritu, ay naging mapamili kung aling mga pangyayari ang kaniyang iuulat, sapagkat, gaya ng sinabi niya: “Ang totoo, nagsagawa rin si Jesus ng maraming iba pang mga tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nakasulat sa balumbong ito,” at, “Sa katunayan, marami pa ring ibang bagay ang ginawa ni Jesus, na, kung sakaling ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.”—Ju 20:30; 21:25.
Taglay sa isipan ang mga bagay na ito, sinabi ni Juan ang layunin niya sa pagsulat ng ulat na kinasihan siya upang isulat, kung saan kaunti lamang sa mga naisulat na ang inulit niya: “Ngunit ang mga ito ay isinulat upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, at upang dahil sa paniniwala ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”—Ju 20:31.
Idiniin ni Juan na ang isinulat niya ay tunay at totoo at na aktuwal itong naganap. (Ju 1:14; 21:24) Ang kaniyang Ebanghelyo ay isang mahalagang karagdagan sa kanon ng Bibliya bilang katibayang aktuwal na nasaksihan ng huling nabubuhay na apostol ni Jesu-Kristo.
Inilathala Nang Malawakan. Sa lahat ng bahagi ng Bibliya, ang Mabuting Balita Ayon kay Juan ang pinakamalawakang nailathala. Libu-libong kopya ng Ebanghelyo ni Juan ang inimprenta nang bukod at ipinamahagi, maliban pa sa pagiging kabilang nito sa mga kopya ng kumpletong Bibliya.
Kahalagahan. Kasuwato ng Apocalipsis, kung saan sinabi ni Jesu-Kristo na siya “ang pasimula ng paglalang ng Diyos” (Apo 3:14), itinawag-pansin ni Juan na ang Isang ito ay kasama ng Diyos “nang pasimula” at na “ang lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya.” (Ju 1:1-3) Sa buong Ebanghelyo, idiniin niya ang matalik na kaugnayan ng bugtong na Anak na ito ng Diyos sa kaniyang Ama, at sinipi niya ang marami sa mga pananalita ni Jesus na nagsisiwalat ng matalik na kaugnayang iyon. Sa buong aklat, ipinaaalaala sa atin ang kaugnayan ng Ama at Anak, ang pagpapasakop ng Anak, at ang pagsamba ng Anak kay Jehova bilang Diyos. (Ju 20:17) Dahil sa pagiging malapít ng Anak sa Ama, maaari niyang isiwalat ang Ama sa paraang hindi magagawa ninuman at sa paraang hindi pa kailanman natanto ng mga lingkod ng Diyos noong nakalipas na mga panahon. At itinampok ni Juan ang magiliw na pag-ibig ng Ama sa Anak at doon sa nagiging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak.
Ipinakikilala si Jesu-Kristo bilang ang alulod ng Diyos sa pagpapala sa sangkatauhan at bilang ang tanging daan sa paglapit sa Diyos. Isinisiwalat siya bilang ang Isa na sa pamamagitan niya ay dumating ang di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan (Ju 1:17), gayundin bilang “ang Kordero ng Diyos” (1:29), ang “bugtong na Anak ng Diyos” (3:18), “ang kasintahang lalaki” (3:29), ang “tunay na tinapay na mula sa langit” (6:32), “ang tinapay ng Diyos” (6:33), “ang tinapay ng buhay” (6:35), “ang tinapay na buháy” (6:51), “ang liwanag ng sanlibutan” (8:12), ang “Anak ng tao” (9:35), “ang pinto” ng kulungan ng tupa (10:9), “ang mabuting pastol” (10:11), “ang pagkabuhay-muli at ang buhay” (11:25), “ang daan at ang katotohanan at ang buhay” (14:6), at “ang tunay na punong ubas” (15:1).
Idiniriin ang posisyon ni Jesu-Kristo bilang Hari (Ju 1:49; 12:13; 18:33), gayundin ang kaniyang awtoridad bilang Hukom (5:27) at ang kapangyarihang bumuhay-muli na ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang Ama. (5:28, 29; 11:25) Isinisiwalat ni Juan ang papel ni Kristo sa pagpapadala ng banal na espiritu bilang “katulong,” upang gumanap sa mga tungkulin ng tagapagpaalaala, tagapagpatotoo para sa Kaniya, at guro. (14:26; 15:26; 16:14, 15) Ngunit hindi hinahayaan ni Juan na malimutan ng mambabasa na, sa totoo, iyon ay espiritu ng Diyos, nanggagaling sa Diyos at ipinadadala sa pamamagitan ng Kaniyang awtoridad. Nilinaw ni Jesus na ang banal na espiritu ay hindi maaaring dumating sa gayong tungkulin malibang pumaroon siya sa Ama, na mas dakila kaysa sa kaniya. (16:7; 14:28) Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay gagawa ng mas dakilang mga gawa, sa dahilang muling makakasama ni Kristo ang kaniyang Ama at sasagutin niya ang mga kahilingang hihingin sa kaniyang pangalan, pawang sa layuning magdulot ng kaluwalhatian sa Ama.—14:12-14.
Isinisiwalat din ni Juan si Jesu-Kristo bilang ang haing pantubos para sa sangkatauhan. (Ju 3:16; 15:13) Ipinaaalaala sa atin ng kaniyang titulong “Anak ng tao” na siya ang nagkaroon ng pinakamalapit na kaugnayan sa tao sa pamamagitan ng pagiging laman, anupat naging kamag-anak ng tao, at dahil dito, gaya ng inilalarawan sa Kautusan, siya ang manunubos at tagapaghiganti ng dugo. (Lev 25:25; Bil 35:19) Sinabi ni Kristo sa kaniyang mga alagad na ang tagapamahala ng sanlibutang ito ay walang kapangyarihan sa kaniya kundi dinaig niya ang sanlibutan at, bilang resulta, ang sanlibutan ay hinatulan at ang tagapamahala nito ay palalayasin. (Ju 12:31; 14:30) Pinatibay-loob ang mga tagasunod ni Jesus na daigin ang sanlibutan sa pamamagitan ng pag-iingat ng pagkamatapat at integridad sa Diyos gaya ng ginawa ni Jesus. (Ju 16:33) Kasuwato ito ng Apocalipsis na tinanggap ni Juan, kung saan inulit ni Kristo ang pangangailangang manaig at nangako siya sa mga kaisa niya ng mayayamang gantimpala sa langit kasama niya.—Apo 2:7, 11, 17, 26; 3:5, 12, 21.
Ang Huwad na mga Talata sa Juan 7:53–8:11. Maliwanag na ang 12 talatang ito ay idinagdag sa orihinal na teksto ng Ebanghelyo ni Juan. Hindi masusumpungan ang mga ito sa Sinaitic Manuscript o sa Vatican Manuscript No. 1209, bagaman lumilitaw ang mga ito sa ikalimang-siglong Codex Bezae at sa mas huling mga manuskritong Griego. Gayunman, wala ang mga ito sa karamihan ng maagang mga bersiyon. Malinaw na ang mga ito ay hindi bahagi ng Ebanghelyo ni Juan. Ang mga talatang ito ay inilalagay ng isang grupo ng mga manuskritong Griego sa katapusan ng Ebanghelyo ni Juan; inilalagay naman ito ng isa pang grupo pagkatapos ng Lucas 21:38, anupat sinusuportahan ang konklusyon na ang tekstong ito ay huwad at di-kinasihan.
[Kahon sa pahina 1272]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JUAN
Ang ulat ng apostol na si Juan tungkol sa buhay ni Jesus, na nagtatampok ng tema na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, na sa pamamagitan niya ay posible ang walang-hanggang buhay
Isinulat noong mga 98 C.E., mahigit 30 taon pagkasulat ng huli sa tatlong iba pang Ebanghelyo at 65 taon pagkamatay ni Jesus
Ang Salita ay naging laman at ipinakilala bilang ang Kordero ng Diyos, ang Anak ng Diyos, at ang Kristo (1:1-51)
Ang Salita, na nang pasimula ay kasama ng Diyos, ay tumahan sa gitna ng mga tao ngunit itinakwil ng kaniyang bayan; yaong mga tumanggap sa kaniya ay binigyan ng awtoridad na maging mga anak ng Diyos
Pinatotohanan ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Anak ng Diyos at ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan
Si Andres, pagkatapos ay ang iba pa, ay nakumbinsi na si Jesus ang Kristo
Ipinakita ng mga himala at pangangaral ni Jesus na siya ang Kristo, na sa pamamagitan niya ay maaaring makamit ang walang-hanggang buhay (2:1–6:71)
Ginawa ni Jesus na alak ang tubig nang siya’y nasa Cana
Sinabi niya kay Nicodemo na isinugo ng Diyos ang Kaniyang bugtong na Anak upang ang mga tapat ay magkaroon ng buhay na walang hanggan
Nakipag-usap siya sa isang babaing Samaritana tungkol sa espirituwal na tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan, at ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang ang Kristo
Nagsagawa si Jesus ng makahimalang mga pagpapagaling; tumutol ang mga Judio nang isagawa ang isang pagpapagaling sa panahon ng Sabbath, at ninais nilang patayin siya
Matapos ipahayag na yaong mga naniniwala sa kaniya ay may buhay na walang hanggan, inihula ni Jesus na bubuhaying muli ang lahat ng nasa mga alaalang libingan
Makahimala siyang nagpakain ng mga 5,000 lalaki; umalis siya nang naisin ng pulutong na gawin siyang hari; nang patuloy pa rin siyang sundan ng mga tao, ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang ang tinapay na bumaba mula sa langit at sinabi niya sa kanila na kailangan nilang kainin ang kaniyang laman at inumin ang kaniyang dugo kung nais nila ng buhay na walang hanggan
Sumidhi ang pagkapoot sa Anak ng Diyos (7:1–12:50)
May-tapang na nangaral si Jesus sa lugar ng templo bagaman hinahangad siyang dakpin ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo
Ipinahayag ni Jesus na siya ang liwanag ng sanlibutan at na mapalalaya ng katotohanan ang kaniyang mga tagapakinig, ngunit tinangka nilang batuhin siya
Sa panahon ng Sabbath, pinagaling ni Jesus ang isang taong ipinanganak na bulag; galit na galit ang mga Pariseo
Ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang mabuting pastol, anupat ipinaliwanag na ang kaniyang mga tupa ay nakikinig sa kaniyang tinig; muling tinangka ng mga Judio na batuhin siya
Nalipos ng takot ang mga Judiong lider ng relihiyon dahil sa pagkabuhay-muli ni Lazaro; ipinasiya nila na kapuwa si Jesus at si Lazaro ay dapat mamatay
Sakay ng isang asno, si Jesus ay pumasok sa Jerusalem at ibinunyi ng pulutong, ngunit hindi ng mga Pariseo, bilang Hari
Noong huling Paskuwa, nagbigay si Jesus ng pamamaalam na payo sa kaniyang mga tagasunod (13:1–17:26)
Hinugasan niya ang kanilang mga paa upang magturo ng kapakumbabaan at ibinigay niya ang “isang bagong utos,” na dapat nilang ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila
Ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; nangako siyang ipadadala niya ang banal na espiritu sa kaniyang mga alagad pagkalisan niya
Upang mamunga, ang kaniyang mga tagasunod ay dapat manatiling kaisa niya, ang tunay na punong ubas; ngunit pag-uusigin sila
Si Jesus ay nanalangin para sa kaniyang mga tagasunod at nag-ulat sa kaniyang Ama na natapos na niya ang gawaing iniatas sa kaniya, anupat inihayag niya ang Kaniyang pangalan
Si Jesus ay inaresto, itinakwil ng bansang Judio, at ibinayubay (18:1–19:42)
Sa Getsemani, inaresto si Jesus; dinala siya sa harap ni Anas, ni Caifas, at pagkatapos ay kay Pilato
Sinabi niya kay Pilato na ang Kaniyang kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito
Nang mabigo ang mga pagsisikap ni Pilato na palayain siya, si Jesus ay ibinayubay at namatay
Inasikaso nina Jose ng Arimatea at Nicodemo ang kaniyang libing
Ang katibayan ng pagkabuhay-muli ni Jesus ang huling patotoong ibinigay ni Juan na talagang ang isang ito ang Kristo (20:1–21:25)
Si Jesus ay nakita ni Maria Magdalena, pagkatapos ay ng iba pang mga alagad, kabilang na si Tomas
Sa Galilea, isinagawa niya ang kaniyang huling himala, anupat makahimala niyang pinangyari na maraming isda ang mahuli, at pagkatapos ay ibinigay niya ang atas: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa”