KEILA
Isang nakukutaang Judeanong lunsod sa Sepela. (Jos 15:20, 33, 44; 1Sa 23:7) Marahil ang Keila ay itinatag, o pinamahalaan, ng isang (o mga) Calebita. (1Cr 4:15, 19) Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang Khirbet Qila (Qeila), na nasa isang burol na mga 14 na km (8.5 mi) sa HK ng Hebron. Gaya ng rehiyon ng sinaunang Keila, sa ngayon ay mga butil ang itinatanim sa kapaligiran ng Khirbet Qila.—Ihambing ang 1Sa 23:1.
Noong tinutugis siya ni Haring Saul, iniligtas ni David ang Keila upang huwag itong mahulog sa mga kamay ng mga Filisteo. Gayunman, pagkaraan nito’y kinailangan niya at ng kaniyang mga tauhan na tumakas mula sa lunsod upang huwag silang maisuko ng mga may-ari ng lupain ng Keila sa hukbo ni Saul.—1Sa 23:5, 8-13.
Ang lunsod na ito’y muling tinirahan pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya. Noong panahong kinukumpuni ang mga pader ng Jerusalem sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias, may dalawang kalahating distrito ng Keila, at bawat isa’y may kani-kaniyang “prinsipe.”—Ne 3:17, 18.