KAMAG-ANAK
Isang tao na may kaugnayan sa iba dahil iisa ang kanilang pinagmulang angkan o dahil sa pag-aasawa. May ilang salita sa orihinal na mga wika ng Bibliya na ang kahulugan at paggamit ay gaya ng sumusunod.
Ang go·ʼelʹ (mula sa Heb. na ga·ʼalʹ, nangangahulugang “tubusin” o “bilhing muli”) ay tumutukoy sa pinakamalapit na kamag-anak na lalaki na may karapatan bilang manunubos o bilang tagapaghiganti ng dugo. Ang mga pumapaslang nang sinasadya ay papatayin ng “tagapaghiganti ng dugo.” (Bil 35:16-19) Ang kaugnayan ni Boaz kina Noemi at Ruth ay bilang “isang manunubos.” (Ru 2:20; 3:9, 12, 13; 4:1, 3, 6, 8, 14) Si Jehova mismo, ang Dakilang Ama o Tagapagbigay-Buhay, ay kapuwa isang Tagapaghiganti at isang Manunubos para sa kaniyang mga lingkod.—Aw 78:35; Isa 41:14; 43:14; 44:6, 24; 48:17; 54:5; 63:16; Jer 50:34.
Ang sheʼerʹ (sa Heb., nangangahulugang “organismo”) ay tumutukoy sa isang kamag-anak sa laman o kamag-anak sa dugo. Ipinagbawal ng mga kautusan ng Diyos ang seksuwal na pakikipagtalik sa isang malapit na “kadugo,” gaya ng tiya. (Lev 18:6-13; 20:19) Kung ang isang kapuwa Israelita ay mabaon sa utang sa isang dayuhan, maaari siyang tubusin ng isang kapatid na lalaki, isang tiyo, isang pinsan, o ng iba pang “kamag-anak sa dugo.” (Lev 25:47-49) O kung ang isang tao ay mamatay nang walang anak na lalaki, anak na babae, kapatid na lalaki, o tiyo, ang pinakamalapit na “kadugo” ang tatanggap ng mana.—Bil 27:10, 11.
Ang qa·rohvʹ (sa Heb., nangangahulugang “malapit”) ay sumasaklaw hindi lamang sa malapit na kamag-anak kundi pati sa matalik na kakilala. Kapag ang isang kapatid ay naging napakadukha anupat kinailangan niyang ipagbili ang kaniyang mga pag-aari, kailangang tubusin ang mga iyon para sa kaniya ng isa na “may malapit na kaugnayan.” (Lev 25:25) Namighati si Job dahil iniwan siya ng kaniyang “matatalik na kakilala,” at nagdalamhati si David dahil tumayo rin sa malayo ang kaniyang “malalapit na kakilala.”—Job 19:14; Aw 38:11.
Ang mga terminong kaugnay ng ya·dhaʽʹ (sa Heb., nangangahulugang “makilala,” “magkaroon ng kabatiran”) ay maaaring tumukoy sa isang kamag-anak o sa isang kakilala lamang. Si Noemi ay may “isang kamag-anak ng kaniyang asawa” na nagngangalang Boaz. Pinatay ni Jehu ang buong sambahayan ni Ahab kabilang na ang “mga kakilala” nito.—Ru 2:1; 2Ha 10:11.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang syg·ge·nesʹ ay tumutukoy sa isang kadugo, ngunit hindi ito ginagamit upang tukuyin ang ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak. Kasuwato ng alituntuning ito, pansinin na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ibibigay kayo maging ng mga magulang at mga kapatid at mga kamag-anak [syg·ge·nonʹ] at mga kaibigan.” (Luc 21:16) Nang mawala ang 12-taóng-gulang na si Jesus, sinimulan siyang hanapin ng kaniyang mga magulang sa gitna ng “mga kamag-anak.” (Luc 2:44) Ipinayo ni Jesus na kapag naghanda ka ng piging, huwag mong anyayahan ang iyong “mga kamag-anak” na makapagbabayad sa iyo kundi sa halip ay ang mga taong dukha. (Luc 14:12-14) Nang dalhin ni Pedro kay Cornelio ang mabuting balita ng kaligtasan, ang “mga kamag-anak” nito ay naroroon din. (Gaw 10:24) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, tinukoy niya ang mga Israelita sa kabuuan gayundin ang ilang indibiduwal bilang kaniyang “mga kamag-anak.”—Ro 9:3; 16:7, 11, 21.