LAUREL
[sa Heb., ʼoʹren].
Isang punungkahoy na evergreen, kadalasan ay tumutubo bilang isang palumpong ngunit maaaring tumaas nang hanggang mga 15 m (50 piye). Ang buong punungkahoy (mga dahon, talob, mga ugat, at bunga) ay may langis na matagal nang ginagamit sa medisina. Ang mga dahon nito ay biluhaba at tulad-katad at makintab ang ibabaw.
Ang punungkahoy na ito ay binanggit bilang pinakahuli sa ilang punungkahoy sa Isaias 44:14; ito ang tanging pagbanggit sa punungkahoy na ito sa Hebreong Kasulatan. Iniuugnay ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 88) ang pangalang ito sa puno ng laurel (Laurus nobilis), karaniwan ding tinatawag na sweet bay tree. (Tingnan din ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 293.) Ang Laurus nobilis ay matatagpuan mula sa baybayin hanggang sa gitnang mga rehiyon ng kabundukan ng Palestina at tumutubo rin sa iba pang mga bansa sa Mediteraneo.
Ang mga dahon ng laurel ay ginamit ng sinaunang mga Griego sa paggawa ng mga putong, na inilalagay sa mga ulo ng mga nagwagi sa Palarong Pythian at ibinibigay rin sa mga humahawak ng katungkulan bilang sagisag ng karangalan.