LEHI
[Panga].
Pinangyarihan ng isa o, posible, dalawang tagumpay ng mga Israelita laban sa mga Filisteo. Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito sa ngayon. Ipinapalagay ng ilan na ito ay ang Khirbet es-Suyag, na ang pangalan marahil ay hinalaw sa salitang Griego na si·a·gonʹ (panga), at wala pang 3 km (2 mi) sa S ng Bet-semes.
Sa Lehi ay pinabagsak ni Samson ang isang libong Filisteo sa pamamagitan ng sariwang panga ng isang asno. Pagkatapos ay tinawag niyang Ramat-lehi (na nangangahulugang “Matayog na Dako ng Panga”) ang lugar na ito, malamang ay upang ipaalaala ang tagumpay na ibinigay sa kaniya roon ni Jehova. (Huk 15:9-19) Gayunman, maaaring noong una ang pangalan ng Lehi ay nagmula sa hugis ng malalaking bato nito.
Nang maglaon, ayon sa salin ng maraming tagapagsalin, pinabagsak ni Shamah ang maraming Filisteong nagkakatipon sa Lehi. (2Sa 23:11, 12; AT, JB, NW, RS) Gayunman, ang terminong Hebreo na la·chai·yahʹ ay literal na nangangahulugang “papasók sa nakatoldang nayon,” at, sa pamamagitan ng kaunting pagbabago sa paglalagay ng tuldok-patinig, isinasalin itong “patungo sa Lehi.”