LIBYA, MGA TAGA-LIBYA
Saklaw ng sinaunang Libya ang isang lugar sa hilagang Aprika sa K ng Ehipto. Karaniwang inaakala na ang mga tumatahan doon ay tinutukoy ng terminong Hebreo na Lu·vimʹ. (2Cr 12:3; “mga taga-Libya,” LXX, NW, RS) Kung ang Lu·vimʹ ay isang naiibang anyo ng Leha·vimʹ (Lehabim), maaaring ipinahihiwatig nito na ang ilan sa mga taga-Libya ay nagmula kay Ham sa pamamagitan ni Mizraim. (Gen 10:13) Ipinakikita ng tradisyonal na Judiong pangmalas na matatagpuan sa mga akda ni Josephus (Jewish Antiquities, I, 130-132 [vi, 2]) na ang mga taga-Libya ay mga inapo ni Ham sa pamamagitan ni Put. (Gen 10:6) Gayundin, ang Griegong Septuagint at ang Latin na Vulgate ay kababasahan ng “mga taga-Libya” sa Jeremias 46:9, Ezekiel 27:10, at 38:5 kung saan ang tekstong Hebreo ay nagsasabing “Put.” Sabihin pa, posibleng kapuwa ang mga inapo ni Put at ni Mizraim ay namayan sa heograpikong rehiyon ng hilagang Aprika na tinawag na Libya. Mangangahulugan ito na ang katawagang “mga taga-Libya” ay higit na malawak kaysa sa terminong Hebreo na Lu·vimʹ.
Binihag ng hari ng Ehipto na si Sisak, itinuturing na tagapagtatag ng “dinastiya ng Libya,” ang maraming lunsod nang salakayin niya ang Juda noong ikalimang taon ni Haring Rehoboam (993 B.C.E.). Kabilang ang mga taga-Libya sa kaniyang makapangyarihang hukbo ng mga karo at mga mangangabayo. Bagaman ang Jerusalem mismo ay pinaligtas, sinamsaman ni Sisak ang lunsod ng mga kayamanan nito. (1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:2-9) Pagkaraan ng mga 26 na taon (967 B.C.E.), ang mga taga-Libya ay may kinatawan sa mga hukbo ni Zera na Etiope, na pumasok sa Juda ngunit dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo. (2Cr 14:9-13; 16:8) Noong ikapitong siglo B.C.E., ang tulong ng mga taga-Libya at ng iba pa ay waring walang kabuluhan upang mailigtas ang Ehipsiyong lunsod ng No-amon mula sa kapahamakan sa mga kamay ng mga Asiryano. (Na 3:7-10) Inihula na ang mga taga-Libya at ang mga Etiope ay susunod sa “mga hakbang” ng “hari ng hilaga,” anupat nagpapahiwatig na ang mga dating tagasuportang ito ng Ehipto ay mapapasailalim sa kaniyang kontrol.—Dan 11:43.
Noong taóng 33 C.E., kabilang sa mga Judio at mga proselita na nasa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes ang mga tao mula sa “mga bahagi ng Libya, na patungong Cirene,” samakatuwid nga, ang kanluraning bahagi ng Libya. Malamang na ang ilan sa mga ito ay binautismuhan bilang tugon sa diskurso ni Pedro at nang maglaon ay dinala nila ang mensahe ng Kristiyanismo pagbalik nila sa lupain na kanilang tinitirahan.—Gaw 2:10.