LISANIAS
[isang kabuuang salita na mula sa mga salitang-ugat na nangangahulugang “maluwag; luwagan” at “kapighatian; kabagabagan”].
Ang tagapamahala ng distrito, o tetrarka, ng Abilinia nang pasimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang ministeryo (29 C.E.), noong panahon ng ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio Cesar. (Luc 3:1) Ang kabisera ng Romanong tetrarkiya ng Abilinia ay nasa Abila, malapit sa Damasco ng Sirya. Ang inskripsiyong umiral noong panahon ni Tiberio Cesar na natagpuan doon ay nagpapagunita ng isang pag-aalay ng templo na ginawa ng isang taong pinalaya ni “Lisanias na tetrarka.” (Corpus Inscriptionum Graecarum, Tomo 3, Blg. 4521) Dahil sa tinukoy ni Josephus ang isang Lisanias na pinatay noong mga 34 B.C.E. ni Mark Antony sa panunulsol ni Cleopatra, itinuring ng ilan na nagkamali si Lucas. (Jewish Antiquities, XV, 92 [iv, 1]) Gayunman, hindi nagkamali si Lucas, sapagkat ang Lisanias na binanggit niya ay iba sa naunang Lisanias (na anak ni Ptolemy) na, bago pinatay, ay namahala, hindi sa Abilinia, kundi sa kalapit na Chalcis, at hindi tinawag na isang tetrarka.