MAHANAIM
[Dalawang Kampo].
Isang lugar sa S ng Jordan. Dito nakasalubong ni Jacob ang isang grupo ng mga anghel pagkatapos niyang humiwalay kay Laban. Nang magkagayon ay tinawag ni Jacob na “Mahanaim” ang lugar na ito. (Gen 32:1, 2) Ang kahulugan ng pangalang ito (“Dalawang Kampo”) ay maaaring tumutukoy sa “kampo ng Diyos,” na kinakatawanan ng kaniyang mga anghel, at sa kampo ni Jacob. Lumilitaw na nang maglaon ay isang lunsod ang itinayo sa lugar na ito. Noong ika-15 siglo B.C.E., ang lunsod na ito ay unang iniatas sa mga Gadita at pagkatapos ay sa mga Levitang Merarita.—Jos 13:24, 26; 21:34, 38.
Habang namamahala si David mula sa Hebron, ang Mahanaim ay nagsilbi namang kabisera ng kaharian ng anak at kahalili ni Saul na si Is-boset. Ipinahihiwatig nito na ang Mahanaim ay nakukutaan at nasa isang estratehikong posisyon. (2Sa 2:8-11, 29) Maliwanag na sa lunsod na ito pinatay si Is-boset. (2Sa 4:5-7) Nang tumatakas si David mula sa kaniyang mapaghimagsik na anak na si Absalom, pumaroon siya sa Gilead kung saan may-kabaitan siyang tinanggap sa Mahanaim. Nanatili siya roon ayon sa kahilingan ng kaniyang mga tagasuporta at hindi siya sumama sa pakikipagbaka na tumapos sa pagsisikap ni Absalom na agawin ang trono. (2Sa 17:24–18:16; 19:32; 1Ha 2:8) Noong panahon ng paghahari ng anak ni David na si Solomon, ang Mahanaim ay pinangasiwaan ng kinatawang si Ahinadab.—1Ha 4:7, 14.
Sa Awit ni Solomon 6:13 ang “sayaw ng dalawang kampo” ay maaari ring isalin bilang “sayaw ng Mahanaim” (AS) o “sayaw na Mahanaim.” (AT) Marahil ang tinutukoy ay ang sayaw na nauugnay sa isang kapistahan na idinaraos sa Mahanaim.—Ihambing ang Huk 21:19, 21.
Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng Mahanaim, ngunit ito ay nasa S ng Jordan at maliwanag na nasa H ng Jabok. (2Sa 2:29; Gen 31:21; 32:2, 22) Iminumungkahi ng ilan ang Khirbet Mahneh (o, Mihna), na mga 19 na km (12 mi) sa H ng Jabok at mga gayunding distansiya sa S ng Jordan, ngunit ipinapalagay ng marami na napakalayo nito sa H ng Jabok. Ipinapalagay ni Yohanan Aharoni na ang Mahanaim ay ang Tell edh-Dhahab el-Gharbi, sa H pampang ng Jabok, mga 12 km (7.5 mi) sa S ng Jordan.—The Land of the Bible, isinalin at inedit ni A. Rainey, 1979, p. 314, 439.