PAGKAMAYGULANG
Ang kalagayan ng pagiging husto ang gulang, hinog, o kumpleto batay sa isang pamantayan. (Tingnan ang KASAKDALAN.) Ang Bibliya ang naglalaan ng pamantayan upang malaman kung ano ang kasangkot sa espirituwal na pagkamaygulang (pagkakumpleto). Ayon sa pamantayang ito, ang may-gulang na Kristiyano ay hindi isang espirituwal na sanggol, na kadalasa’y pabagu-bago at madaling naililigaw o naiimpluwensiyahan ng iba kung tungkol sa doktrina. (Efe 4:11-14) Yamang nasanay ang kaniyang mga kakayahan sa pang-unawa, kaya niyang kilalanin kapuwa ang tama at ang mali. Hindi niya kailangang maturuan hinggil sa mga panimulang bagay. (Heb 5:11–6:2) Pinapatnubayan siya, hindi ng karunungan ng sanlibutan, kundi ng espiritu ng Diyos.—1Co 2:6, 10-13, tlb sa Rbi8.
Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa mga antas o yugto ng espirituwal na pagkamaygulang o pagkaadulto. Gayunman, kung paanong ang isang tao ay patuloy na lumalago sa kaalaman, karanasan, at kaunawaan matapos siyang maging isang adulto, sa katulad na paraan ay patuloy na sumusulong ang may-gulang na Kristiyano. Ang mga pagsubok na nararanasan niya ay maaaring magpatibay sa kaniyang pananampalataya at pagbabata. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata. Ngunit hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap [sa literal, sakdal] at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (San 1:2-4) Gayundin, kung paanong nagkakaiba-iba ang pisikal na hitsura at ang mental na kakayahan at mga talento ng mga adulto, ang may-gulang na mga Kristiyano ay nagkakaiba-iba rin sa ilang katangian, anupat ang iba ay kapansin-pansin sa ilang aspekto, gaya ng kaalaman, pagpapasiya, lakas ng loob, o pagkabukas-palad; ang iba naman ay sa iba pang katangian. (Ihambing ang 1Co 7:7; 12:4-11, 27-31.) Kaya naman, kapag isinasaalang-alang ang pagkamaygulang, kailangang tandaan na hindi ang espesyal na mga abilidad o talento ang nagsisilbing batayan kung ang isa ay may-gulang na Kristiyano o hindi.
Ang kaayusan ng kongregasyon, kasama na ang mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at mga guro nito, ay nakatulong noon upang ang mga Kristiyano ay maging may-gulang sa espirituwal. (Efe 4:11-14; ihambing ang Col 1:28, 29; 4:12, 13.) Kung gayon, maliwanag na yaong mga naglilingkod bilang mga pastol at mga guro ay kailangang maging mga taong may-gulang sa espirituwal, hindi mga sanggol. Gayunman, hindi lamang espirituwal na pagkaadulto ang hinihiling sa isa na inaatasan bilang tagapangasiwa o ministeryal na lingkod. (1Ti 3:1-9, 12, 13; Tit 1:5-9) Halimbawa, isa sa mga kahilingan para sa isang tagapangasiwa ay na siya’y “isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” (1Ti 3:4) Sa gayon, maaaring ang isang lalaki ay may-gulang sa espirituwal na paraan sa ilang aspekto, ngunit kung ang kaniyang mga anak ay mapaghimagsik at di-masupil, hindi siya magiging kuwalipikadong maglingkod bilang tagapangasiwa.