MEGIDO
Isa sa mas mahahalagang lunsod ng Lupang Pangako, mga 90 km (56 na mi) sa H ng Jerusalem at 31 km (19 na mi) sa TS ng makabagong lunsod ng Haifa. Itinayo ito sa isang lugar na mahigit na 4 na ektarya (10 akre), sa ibabaw ng isang gulod na kilalá sa ngayon bilang Tell el-Mutesellim (Tel Megiddo), na halos 21 m (70 piye) ang taas mula sa libis na nasa ibaba.—MGA LARAWAN at MAPA, Tomo 1, p. 953.
Estratehiko. Palibhasa’y nasa estratehikong lokasyon na ito na nakatunghay at prominente sa matabang kanluraning seksiyon ng Libis ng Jezreel (Kapatagan ng Esdraelon, kilalá rin bilang “kapatagang libis ng Megido”; 2Cr 35:22; Zac 12:11), madaling nakokontrol ng Megido ang mga pangunahing rutang pangkalakalan at pangmilitar na nagsasalubong doon. Kapuwa ang Bibliya at ang sekular na mga rekord ay naglalahad ng mahahalagang pagbabaka na pinaglabanan ng mga hukbo ng maraming bansa sa palibot ng Megido dahil sa estratehikong posisyon nito. Malapit sa lugar na ito “sa tabi ng tubig ng Megido,” tinalo ni Hukom Barak ang malalakas na hukbo ni Jabin na pinamumunuan ni Sisera at may 900 karo na kinabitan ng mga lingkaw na bakal. (Huk 4:7, 13-16; 5:19) Sa Megido namatay si Haring Ahazias ng Juda matapos siyang masugatan nang malubha malapit sa Ibleam dahil sa utos ni Jehu. (2Ha 9:27) Sa Megido nasugatan at namatay si Haring Josias ng Juda nang tangkain niyang pigilan ang hukbong Ehipsiyo na pinamumunuan ni Paraon Necoh noong humahayo ito upang tulungan ang mga Asiryano sa may ilog ng Eufrates.—2Ha 23:29, 30; 2Cr 35:22.
Gaya ng ipinakikita ng arkeolohikal na mga paghuhukay, may mga panahon na ang Megido ay mahigpit na nakukutaan. Ipinakikita ng mga guhong nahukay na ito ay dating may mga pader na 4 hanggang 5 m (13 hanggang 16 na piye) ang kapal, na nang maglaon ay pinakapal pa tungo sa mahigit na 7.5 m (25 piye). Ang ibang mga seksiyon nito ay may taas pa rin na mahigit sa 3.3 m (11 piye) nang matagpuan.
Kasaysayan. Nang unang banggitin ang Megido, ang hari nito ay itinalang kabilang sa 31 hari na tinalo ni Josue noong pasimulan nilang sakupin ang Lupang Pangako. (Jos 12:7, 8, 21, 24) Nang hati-hatiin ang lupain, ang Megido, kasama ang mga sakop na bayan nito, ay naging isang nakapaloob na lunsod ng tribo ni Manases, bagaman ito’y nasa teritoryo ng Isacar. (Jos 17:11; 1Cr 7:29) Gayunman, noong panahon ng mga Hukom, hindi napalayas ng Manases ang mga Canaanita sa moog na ito. Ngunit nang lumakas ang Israel, isinailalim nila sa puwersahang pagtatrabaho ang mga naninirahan sa lunsod na ito.—Huk 1:27, 28.
Sa ilalim ng paghahari ni David, noong lubusan nang palawakin ang mga hangganan ng kaharian, ang lahat ng mga elementong Canaanita sa loob ng Lupang Pangako ay sinakop, pati na ang Megido. Dahil dito, nailakip ni Solomon ang Megido sa ikalimang distrito na itinatag upang magtustos ng pagkain sa maharlikang sambahayan isang buwan sa isang taon.—1Ha 4:7, 8, 12.
Pinatibay rin ni Solomon ang Megido. Maaaring ito’y naging isa sa kaniyang mga lunsod ng karo kung saan nakakuwadra ang ilan sa kaniyang 12,000 kabayong pandigma. (1Ha 9:15-19; 10:26) Sa Megido ay natagpuan ng mga arkeologo ang napakalalawak na labí na sa palagay ng ilang iskolar ay mga kuwadrang makapaglalaman ng mahigit sa 450 kabayo. Noong una, ipinalagay na ang mga istrakturang ito ay mula noong panahon ni Solomon, ngunit binago ng maraming mas huling arkeologo ang petsang ito at itinalaga ang mga ito sa isang mas huling yugto, marahil ay noong panahon ni Ahab.
Ang hula ni Zacarias (12:11) ay bumabanggit ng ‘matinding paghagulhol’ na nangyari “sa kapatagang libis ng Megido.” Maaaring ito’y tumutukoy sa panaghoy para kay Haring Josias, na napatay roon sa pagbabaka. (2Ha 23:29, 30) Naiiba nang kaunti ang Hebreong baybay ng Megido sa aklat ng Zacarias. Sa halip na ang karaniwang Hebreong baybay na Meghid·dohʹ, ang naroroon ay Meghid·dohnʹ, isang pinahabang anyo na katulad niyaong nasa Apocalipsis 16:16.—Tingnan ang HAR–MAGEDON.