PAGREREGLA
Ang pana-panahong pag-agas ng regla (dugo, fluido, at mga labí ng mga himaymay) mula sa matris ng babae. Karaniwan nang buwanan ang pagreregla ng mga babae, anupat dumarating humigit-kumulang tuwing ikaapat na linggo. Nagsisimulang magkaregla ang mga babae sa panahon ng pagdadalaga, at karaniwan nang nagpapatuloy ito hanggang sa panahon ng menopos, anupat ang bawat pagreregla ay kadalasang tumatagal nang mula tatlo hanggang limang araw.
Sa Kasulatan, iniuugnay sa karumihan ang pagreregla (Lev 12:2; Eze 22:10; 36:17), anupat kung minsan, ang isang anyo ng salitang Hebreo na may kinalaman dito (nid·dahʹ) ay isinasalin bilang “karumihan sa pagreregla.” (Lev 15:25, 26) Ang isang anyo ng isa pang terminong Hebreo, da·wehʹ, na maaaring tumukoy sa pagkakasakit (Pan 5:17), ay isinasalin naman bilang “babaing nireregla.” (Lev 15:33; Isa 30:22) Pagreregla rin ang tinutukoy ng pariralang “kaugaliang bagay sa mga babae.”—Gen 31:35.
“Marumi” sa Ilalim ng Kautusan. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang isang babae ay itinuturing na marumi sa loob ng pitong araw sa panahon ng normal na pagreregla. Ang higaan o anumang bagay na hihigaan o uupuan ng babaing nireregla ay magiging marumi rin. Ang sinumang humipo sa babaing iyon o sa mga bagay na naparumi niya ay kailangang maglaba ng mga kasuutan nito at maligo, at ang taong iyon ay mananatiling marumi hanggang sa gabi. Kung ang karumihan sa pagreregla ng babae ay mapasaisang lalaki na sumiping sa kaniya (halimbawa, sa di-sinasadya ay nakipagtalik ang isang lalaki sa kaniyang asawa sa pasimula ng pagreregla nito), ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw, at ang higaan na hihigaan niya ay ituturing na marumi.
Ang babae ay mamalasin ding marumi sa yugto ng di-pangkaraniwang pag-agas ng dugo o ng ‘pag-agos na mas matagal kaysa sa kaniyang karumihan sa pagreregla,’ at sa panahong iyon ay naparurumi niya ang mga bagay na hinihigaan o inuupuan niya pati ang mga taong humihipo sa mga bagay na ito. Kapag tumigil na ang di-normal na pag-agas, bibilang siya ng pitong araw, at saka siya magiging malinis. Sa ikawalong araw, ang babae ay magdadala sa saserdote ng dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati, anupat magbabayad-sala ang saserdote para sa kaniya at ihaharap nito kay Jehova ang isa sa mga nilalang na iyon bilang handog ukol sa kasalanan at ang isa naman bilang handog na sinusunog.—Lev 15:19-30; tingnan ang MALINIS, KALINISAN.
Kung sinadya ng isang lalaki at ng isang babae na magsiping sa panahon ng karumihan sa pagreregla ng babae, lilipulin sila. (Lev 18:19; 20:18) Malamang na nakatulong sa kalusugan ang pagbabawal sa seksuwal na pagtatalik sa panahon ng pagreregla. Halimbawa, maaaring nahadlangan nito ang pamamaga sa kapaligiran ng ari, ang karaniwang urethritis. Dahil sa mga tuntunin ng Kautusan may kinalaman sa pagreregla o pag-agas ng dugo, maaaring naipaalaala rin sa mga Israelita ang kabanalan ng dugo. Hindi nagtatangi ang mga alituntuning ito laban sa mga babae, sapagkat nagiging marumi rin ang mga lalaki dahil sa mga agas na dinaranas ng mga ito. (Lev 15:1-17) Lalong mahalaga, ipinakikita ng mga tuntunin may kinalaman sa pagreregla ang konsiderasyon ni Jehova sa mga kababaihan. Bagaman wala na sa ilalim ng Kautusan ang Kristiyanong asawang lalaki, (Ro 6:14; Efe 2:11-16), makabubuti rin na isaalang-alang niya ang mga siklo at ang nagbabagong kalagayan ng kaniyang asawang babae, anupat nananahanang kasama nito “ayon sa kaalaman” at pinag-uukulan ito ng karangalang “gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.”—1Pe 3:7.