MISREPOT-MAIM
[Mga Pagsusunog sa Katubigan].
Dito tinugis ng mga Israelita ang mga hukbo ng mga Canaanitang hari sa hilaga na kaalyado ni Jabin matapos nilang talunin ang mga ito sa tubig ng Merom. (Jos 11:1-5, 8) Nang hati-hatiin ang Lupang Pangako sa mga bahaging mana, ang lugar na mula sa Lebanon hanggang sa Misrepot-maim ay hindi pa nalulupig. (Jos 13:2, 6) Ipinapalagay ng ilan na ang Misrepot-maim ay ang mga guho sa Khirbet el-Musheirefeh (Horvat Mashref), na mga 20 km (12 mi) sa HHS ng Aco (ʽAkko). Sa lokasyong ito ay makapupunta sa mga lunsod sa Kapatagan ng Aco at gayundin sa Lunas ng Hula ang mga mamamayan ng Misrepot-maim. Marahil ay ibinigay sa Misrepot-maim (na nangangahulugang “Mga Pagsusunog sa Katubigan”) ang pangalang ito dahil sa maiinit na bukal na matatagpuan mga 180 m (590 piye) mula sa lugar na ito.