MITILENE
Ang pangunahing lunsod ng Lesbos, isang pulo sa Dagat Aegeano na malapit sa K baybayin ng Asia Minor. Samantalang patungo siya sa Jerusalem noong mga 56 C.E., naglayag ang apostol na si Pablo patungong Mitilene mula sa Asos, isang daungang-dagat sa kontinente ng Asia Minor na mga 45 km (28 mi) sa dakong HHK. (Gaw 20:14) Yamang hindi binanggit na nagtungo si Pablo sa baybayin, ipinahihiwatig nito na ang barko ay nagbaba lamang ng angkla sa Mitilene, marahil ay dahil tumigil ang kinakailangang H hangin. Nang sumunod na araw, ang barko ay nagpatuloy sa TTK patungong Kios.—Gaw 20:15.
Pinaniniwalaan na noong una, ang Mitilene ay isang maliit na pulo na malapit sa silangang baybayin ng Lesbos. Ngunit habang lumalaki ang lunsod, maaaring idinugtong ito sa Lesbos sa pamamagitan ng isang tulay na lupa at lumawak ito sa baybayin. Dahil dito ay nagkaroon ng isang daungan sa H panig at ng isa pa sa T na panig ng tulay na lupa. Napabantog ang lunsod bilang isang sentro ng kaalaman sa panitikan at dahilan sa kagandahan ng arkitektura ng mga gusali nito.