NEPTALI
[Mga Pakikipagbuno Ko].
1. Ang ikalawang anak na ipinanganak kay Jacob ng alilang babae ni Raquel na si Bilha sa Padan-aram. (Gen 35:25, 26; Exo 1:1, 4; 1Cr 2:1, 2) Yamang humalili si Bilha para sa kaniyang among babae na si Raquel, si Neptali, gaya ng kaniyang nakatatandang tunay na kapatid na si Dan, ay itinuring ng baog na si Raquel bilang sarili niyang anak. Bagaman ang kapatid niyang si Lea ay mayroon nang apat na anak nang panahong iyon (Gen 29:32-35), tuwang-tuwa si Raquel na nagtagumpay siyang magkaroon ng ikalawang anak sa pamamagitan ng kaniyang alilang babae anupat bumulalas siya: “Sa pamamagitan ng puspusang mga pakikipagbuno ay nakipagbuno ako sa aking kapatid. Ako rin naman ay nagwagi!” Ang pangalang ibinigay sa anak na ito, Neptali, (nangangahulugang “Mga Pakikipagbuno Ko”), ay angkop na nagpahayag ng damdamin ni Raquel noong panahong isilang ito.—Gen 30:2-8.
Nang maglaon, si Neptali mismo ay nagkaanak ng apat na lalaki, sina Jahzeel (Jahziel), Guni, Jezer, at Silem (Salum). (Gen 46:24; 1Cr 7:13) Nang ilahad ng mamamatay nang patriyarka na si Jacob sa kaniyang mga anak kung ano ang mangyayari sa kanila sa “huling bahagi ng mga araw,” ang sinabi niya tungkol kay Neptali ay positibo, bagaman isa sa pinakamaikli.—Gen 49:1, 2, 21.
2. Ang tribo ng Israel na ipinangalan kay Neptali at binubuo ng apat na pantribong pamilya na nagmula sa kaniyang apat na anak na sina Jahzeel, Guni, Jezer, at Silem. (Bil 26:48, 49) Mga isang taon pagkaraang lisanin ng mga Israelita ang Ehipto, ang mga lalaking mandirigma ng tribong ito mula 20 taóng gulang pataas ay may bilang na 53,400. (Bil 1:42, 43) Habang nasa ilang, ang tribo ni Neptali, sa ilalim ng pangunguna ng pinuno nito na si Ahira, ay nagkampo sa H ng tabernakulo sa tabi ng mga tribo nina Aser at Dan. Bilang bahagi ng tatlong-tribong pangkat ng kampo ni Dan, ang tribo ni Neptali, kasama ang Dan at ang Aser, ay huli sa pagkakasunud-sunod ng paghayo at nagkaroon ng mahalagang posisyon bilang bantay sa likuran.—Bil 1:15, 16; 2:25-31; 7:78; 10:25-28.
Noong panahong kunin ang ikalawang sensus mga apat na dekada pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, ang bilang ng matitipunong lalaki sa tribo ay 45,400 na lamang. (Bil 26:50) Kabilang sa mga lalaking nabawas sa tribo si Nabi, isa sa sampung tiktik na nagdala ng masamang ulat at nagpahina ng loob ng mga Israelita sa pagpasok sa Lupang Pangako.—Bil 13:14, 16, 31-33; 14:35-37.
Nang bandang huli, matapos tawirin ang Jordan at makibahagi sa pananakop sa Jerico at Ai sa ilalim ng pangunguna ni Josue, ang Neptali ang isa sa mga tribo na ‘nakatayo para sa sumpa’ sa harap ng Bundok Ebal. (Jos 6:24, 25; 8:28, 30-35; Deu 27:13) Nang hahati-hatiin na ang lupain sa mga mana ng bawat tribo, si Pedahel, bilang ang inatasan-ng-Diyos na kinatawan ng tribo ni Neptali, ay tumulong kina Josue at Eleazar na saserdote sa gawaing ito.—Bil 34:16, 17, 28; Jos 19:51.
Lupaing Mana. Ang teritoryong nakaatas sa tribo ni Neptali ay nasa hilagaang bahagi ng Lupang Pangako. (Deu 34:1, 2) Ang hangganan nito sa S ay ang Dagat ng Galilea at ang Ilog Jordan. Ang teritoryo ng Aser ay kahangga nito sa K. Ang lupaing iniatas sa Zebulon ay kahangga ng Neptali kapuwa sa K at sa T, at ang Isacar naman ay nasa T nito. (Ihambing ang Jos 19:32-34.) Maliwanag na ang paglalarawan sa hangganan ng Neptali bilang umaabot sa “Juda sa may Jordan” (Jos 19:34) ay hindi nangangahulugang umaabot ito sa teritoryo ng tribo ni Juda, na nasa bandang T at malayo sa Neptali. Sa kasong ito, ang “Juda” ay malamang na tumutukoy sa rehiyon sa S ng Jordan na tinatahanan ng pamilya ni Jair. Bagaman si Jair ay itinuturing na Manasita dahil sa kaniyang lola sa panig ng ama (Bil 32:41; Jos 13:29, 30), siya ay inapo ni Juda sa pamamagitan ng kaniyang lolo sa panig ng ama. (1Cr 2:5, 21, 22) Kaya ang rehiyong ibinigay sa pamilya ni Jair ay maaaring angkop na tawaging Juda salig sa pinagmulang angkan ni Jair.
Kabilang sa teritoryo ng Neptali ang 19 na nakukutaang lunsod at ang mga pamayanan ng mga ito. (Jos 19:35-39) Ang isa sa mga lunsod na ito, ang Kedes, ay ipinagkaloob sa mga Levita at binigyan ng sagradong katayuan bilang isang kanlungang lunsod. (Jos 20:7, 9) Ang dalawa pang lunsod, ang Hammat (Hamot-dor o Hammon) at ang Kartan (Kiriataim), ay itinalaga rin para sa mga Levita. (Jos 19:35; 21:6, 32; 1Cr 6:62, 76) Sa Bet-semes at Bet-anat, dalawa pang lunsod ng Neptali, ay hindi pinalayas ang mga Canaanita ngunit ipinasailalim sila sa puwersahang pagtatrabaho.—Huk 1:33.
Ang lupain na dating pinanirahan ng tribo ni Neptali, bagaman bulubundukin (Jos 20:7), ay mabunga. Partikular na mataba ang tatsulok na kapatagan (ng Genesaret) sa HK panig ng Dagat ng Galilea at ang rehiyon ng Hula. Ang pagpapala ni Moises na ipinatungkol kay Neptali ay maaaring tumutukoy sa lupaing mana ng tribo. “Si Neptali ay busóg sa pagsang-ayon at punô ng pagpapala ni Jehova. Ariin mo ang kanluran at timog.” (Deu 33:23) Ang “kanluran” ay maaari ring isalin na “dagat” (AS, tlb) o “lawa” (RS) at sa gayon ay maaaring tumukoy sa Dagat ng Galilea; at ang “timog” ay tumutukoy marahil sa pinakatimugang teritoryo ng Neptali na kahangga ng dagat na iyon. May posibilidad din na ang teksto, bagaman ipinahihiwatig nito ang Dagat ng Galilea, ay dapat kabasahan ng: “Ang dagat at ang mga isda nito ay kaniyang pag-aari.”—Tlb sa Rbi8.
Mula Noong Panahon ng mga Hukom Hanggang sa Pagkatapon. Sa hulang binigkas ni Jacob nang mamamatay na siya, tinukoy niya si Neptali bilang “isang balingkinitang babaing usa.” (Gen 49:21) Maaaring tumutukoy ito sa pagiging matulin at bihasa ng tribo sa pakikipagdigma, at waring pinatutunayan ito ng kasaysayan ng tribo. Sampung libong lalaki mula sa Neptali at Zebulon ang lakas-loob na tumugon sa panawagan ni Barak na makipagbaka sa lubos na nasasandatahang mga hukbo na pinangungunahan ni Sisera at nang maglaon ay pinagpala silang magtagumpay. Maliwanag na si Barak mismo ay mula sa tribo ni Neptali, yamang lumilitaw na naninirahan siya sa Kedes na nasa Neptali. (Huk 4:6-15; 5:18) Sinuportahan din ng tribo ni Neptali si Hukom Gideon sa pakikipaglaban sa mga Midianita.—Huk 6:34, 35; 7:23, 24.
Pagkaraan ng maraming taon, 1,000 pinuno at 37,000 iba pang mandirigma mula sa tribo ni Neptali ang pumaroon sa Hebron upang gawing hari si David sa buong Israel. Ang ibang pagkain sa piging na idinaos may kaugnayan sa pangyayaring iyon ay nagmula pa sa Isacar, Zebulon, at Neptali. (1Cr 12:23, 34, 38-40) Sa pangunguna ni Haring David, lumilitaw na ang tribo ni Neptali ay nagkaroon ng malaking bahagi sa pagsupil sa mga kaaway ng Israel.—Aw 68:Sup, 1, 27.
Mga ilang dekada pagkaraang mahati ang kaharian ng Israel, niligalig ang Neptali ng Siryanong si Haring Ben-hadad I. (1Ha 15:20; 2Cr 16:4) Pagkaraan ng mga dalawang siglo, noong panahon ng paghahari ni Peka, ang mga tumatahan sa Neptali ay dinala ni Tiglat-pileser III sa pagkatapon sa Asirya. (2Ha 15:29) Halos isang siglo pagkatapos na bumagsak ang hilagang kaharian, buong-tapang na pinaabot ng Judeanong si Haring Josias ang pagwasak niya sa mga kagamitan sa idolatriya maging hanggang H sa mga wasak na dako ng Neptali na pinamumunuan ng Asirya.—2Cr 34:1-7.
Ang Hula ni Isaias. Maaaring ang kahihiyang idinulot ng mga Asiryano ang tinutukoy sa Isaias 9:1: “Ang karimlan ay hindi magiging gaya noong may kaigtingan sa lupa, gaya noong unang panahon nang ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng Neptali ay hinahamak.” Pagkatapos ay ipinahiwatig ni Isaias na sa darating na panahon ay bibigyang-dangal ang dating hinahamak—“ang daan sa tabi ng dagat, sa pook ng Jordan, Galilea ng mga bansa.” Nagpatuloy siya: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag. Para roon sa mga tumatahan sa lupain ng matinding dilim, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” (Isa 9:1, 2) Ang mismong mga salitang ito ay sinipi ni Mateo (4:13-17) at ikinapit kay Kristo Jesus, “ang liwanag ng sanlibutan,” at sa kaniyang gawain. (Ju 8:12) Yamang ang Capernaum sa teritoryo ng Neptali ay itinuring ni Jesus na “kaniyang sariling lunsod” (Mat 4:13; 9:1), sa diwa ay maaaring sabihin na siya’y mula sa Neptali. Kaya naman ang makahulang mga salita ni Jacob tungkol kay Neptali, “Siya ay nangungusap ng maririkit na salita,” ay angkop na maikakapit kay Jesus. (Gen 49:21) Ang Anak ng Diyos ay talagang nangusap ng “maririkit na salita,” anupat maging ang mga opisyal na isinugo upang dakpin siya ay bumulalas: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.”—Ju 7:46.
Tinukoy sa mga Pangitain. Sa pangitain ni Ezekiel, ang atas na lupain ng Neptali ay nasa pagitan ng Aser at Manases (Eze 48:3, 4), at ang isa sa mga pintuang-daan ng lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon” ay ipinangalan sa Neptali. (Eze 48:34, 35) Sa pangitain naman ng apostol na si Juan, narinig niya na 12,000 ang tinatakan mula sa (espirituwal na) tribo ni Neptali.—Apo 7:4, 6.