KUWINTAS
Isang maliit na tanikala o tuhog ng mga abaloryo, ginto, pilak, korales, hiyas, at mga katulad nito, na isinusuot sa palibot ng leeg bilang palamuti. Noong sinauna, ang mga kuwintas ay isinusuot ng mga babae (Sol 1:10; 4:9; ihambing ang Eze 16:11) at maging ng mga lalaki, lalo na niyaong may mataas na katayuan. (Gen 41:41, 42; Dan 5:7, 16, 17, 29) Ang mga Midianita noong mga araw ni Gideon ay naglagay ng mga kuwintas sa mga leeg ng kanilang mga kamelyo, at sa mga kuwintas na ito, lumilitaw na may mga palamuting hugis-buwan na nakabitin bilang mga palawit. (Huk 8:21, 26) May mga panahon din noon na ginagamit ang mga tanikalang parang kuwintas bilang palamuti, gaya niyaong para sa mga haliging Jakin at Boaz ng templo.—2Cr 3:15-17.
Tungkol sa mapaghambog at balakyot na mga tao, sinasabi na “ang kapalaluan ay nagsilbing isang kuwintas sa kanila.” (Aw 73:3, 6) Sa kabilang dako, ang disiplina ng isang ama at ang kautusan ng isang ina ay gaya ng isang magandang kuwintas sa leeg ng isang anak.—Kaw 1:8, 9.