LAMBAT
Karaniwan na, isang materyal na binubuo ng pisi, sinulid, o lubid, na nilala. Ginagamit ang lambat sa panghuhuli ng isda (Ec 9:12; Isa 19:8; Mat 4:18-21), mga ibon (Kaw 1:17), at iba pang mga hayop (Isa 51:20). Ang ilan sa mga pangunahing materyales na ginagamit sa paggawa nito ay ang lino, hibla ng palma, at papiro.
Samantala, ibang-iba naman ang pinaggamitan sa mga lambat na metal. Halimbawa, mga lambat na yari sa tanso ang inilagay bilang palamuti sa kapital ng mga haliging Jakin at Boaz sa templo (tingnan ang KAPITAL), at isang tansong lambat o kayariang tila lambat naman ang ginamit bilang parilya para sa altar na pinaghahainan.—Exo 27:4, 5; 38:4; 1Ha 7:16-18, 41, 42; Jer 52:22, 23.
Makasagisag na Paggamit. Sa Bibliya, ang “lambat” ay kadalasang ginagamit sa makasagisag na diwa upang kumatawan sa mga paraang ginagamit sa paninilo ng iba—anupat pinalilibutan sila at dinadalang bihag, o pinasasapitan sila ng kapahamakan. (Job 18:8; 19:6; Aw 66:11; Pan 1:13; Eze 12:13; 17:20; 19:8; 32:3; Os 5:1; 7:12; Mik 7:2) Inihahalintulad sa pangubkob na lambat ang paraang ginamit ng mga Caldeo sa paglupig sa mga bansa noong nagpapalawak sila ng kanilang pamumuno. (Hab 1:6, 15-17) Gayundin, ang labis na pamumuri at ang mapagpakanang puso ng isang babaing imoral ay inihahambing sa mga lambat. (Kaw 29:5; Ec 7:26) Nagpahayag ang salmista ng pagtitiwala na ililigtas siya ni Jehova mula sa sala-salabid na mga lambat (Aw 25:15; 31:4; 140:5, 12) at na yaong mga naglalatag ng gayong mga lambat ang siyang masisilo sa mga iyon.—Aw 9:15; 35:7, 8; 57:6; 141:10.
May kinalaman sa kayarian at paggamit ng iba’t ibang lambat, tingnan ang LAMBAT, PANGUBKOB NA; MANGHUHULI NG IBON; PANGANGASO AT PANGINGISDA.