HILAGA
Bukod pa sa karaniwang termino na tsa·phohnʹ, ang hilaga ay tinutukoy rin ng direksiyong “kaliwa,” yamang ang nakagawiang posisyon ay paharap sa sinisikatan ng araw sa silangan. (Gen 14:15, tlb sa Rbi8) Kapag ginagamit sa Kasulatan, ang “hilaga” ay maaaring tumukoy sa isang seksiyon ng lupa (Aw 107:3; Isa 43:6; Luc 13:29), sa isang pahilagang direksiyon (Exo 26:20; 1Ha 7:25; Apo 21:13), sa kalangitan sa dakong hilaga (Job 26:7), at sa iba’t ibang lupain o kaharian (kasama ang Asirya [Zef 2:13] at Babilonya [Jer 46:10]) na waring nasa H at S ng lupaing tinatahanan ng mga Israelita. Bagaman ang Babilonya sa Ilog Eufrates ay aktuwal na nasa S ng Tiro, binabanggit ng Ezekiel 26:7 na ang hari ng Babilonya ay darating laban sa Tiro mula sa hilaga. Sa katulad na paraan, ang kapahamakang daranasin ng Juda at Jerusalem mula sa mga Babilonyo ay tinutukoy na manggagaling “mula sa hilaga.” (Jer 1:14, 15) Waring ang dahilan nito ay sapagkat isang hilagaang ruta ang tinatahak ng mga hukbong Babilonyo kapag humahayo sila nang pakanluran, sa gayon ay naiiwasan nilang dumaan sa disyerto. Sa katunayan, ganito ang kanilang nakagawian, gaya ng ipinakikita ng mga rekord ng Babilonya.
Yamang iba’t ibang lupain at kaharian ang sinasabing nasa hilagang lokasyon, kadalasang ang konteksto at iba pang kaugnay na mga kasulatan ay makatutulong upang matiyak kung ano ang ibig tukuyin ng “hilaga” o “lupain ng hilaga.” Halimbawa, ipinakikita ng Isaias 21:2, 9 at Daniel 5:28 na kabilang sa mga bansang mula sa “lupain ng hilaga” na binanggit sa Jeremias 50:9 ang mga Medo, mga Persiano, at mga Elamita. Lumilitaw na ang mga bansang sasalakay sa Babilonya ay minamalas bilang isang nagkakaisang hukbo o pawang mga kaaway ng Babilonya, anupat “isang kongregasyon.” Marami sa mga bansang kasangkot ay nasa malayong H ng Babilonya (Jer 51:27, 28), at sa paanuman, ang kalakhan ng Media ay nasa HS ng Babilonya. Maliwanag din na ang pagsalakay ay nagmula sa bandang hilaga, yamang pinatigil ni Ciro ang daloy ng tubig sa H ng lunsod.
Ang “Hari ng Hilaga.” Ang mga pangyayari sa kasaysayan ay naglalaan ng isa pang saligan upang matiyak kung paano dapat unawain ang “hilaga” sa ilang teksto. Isang halimbawa ay ang “hari ng hilaga” na binanggit sa Daniel kabanata 11. Ipinakikita ng katibayan ng kasaysayan na ang “makapangyarihang hari” sa Daniel 11:3 ay si Alejandrong Dakila. Pagkamatay ni Alejandro, nahati-hati ang imperyo sa kaniyang apat na heneral. Kinuha ng isa sa mga heneral na ito, si Seleucus Nicator, ang Mesopotamia at Sirya, anupat siya ang naging tagapamahala ng teritoryo na nasa H ng Palestina. Nakontrol naman ng isa pang heneral, si Ptolemy Lagus, ang Ehipto na nasa dakong TK ng Palestina. Sa gayon ay nagsimula kina Seleucus Nicator at Ptolemy Lagus ang mahabang labanan sa pagitan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog.” Gayunman, ang hula may kinalaman sa “hari ng hilaga” ay sumasaklaw mula sa panahon ni Seleucus Nicator hanggang sa “panahon ng kawakasan.” (Dan 11:40) Kung gayon, makatuwirang sabihin na ang pambansa at pulitikal na pagkakakilanlan ng “hari ng hilaga” ay magbabago sa paglipas ng kasaysayan. Ngunit posible pa ring matiyak ang kaniyang pagkakakilanlan salig sa sinasabi ng hula na gagawin ng “hari ng hilaga.”—Tingnan ang aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, 1999, p. 211-285.
Ang Tahanan ni Jehova. Ang “hilaga” ay lumilitaw rin sa Kasulatan bilang pagtukoy sa lugar na makasagisag na tinahanan ni Jehova kasama ang mga Israelita.—Aw 48:1, 2; Isa 14:13, 14; tingnan ang BUNDOK NG KAPISANAN.