BILANG, AKLAT NG MGA
Ang ikaapat na aklat ng Pentateuch. Ang pangalan nito sa Tagalog ay hinalaw sa dalawang pagbilang sa mga anak ni Israel na binanggit sa aklat. Inilalahad nito ang mga pangyayaring naganap sa rehiyon ng Bundok Sinai, sa ilang noong panahong nagpapagala-gala ang Israel, at sa Kapatagan ng Moab. Pangunahin na, ang salaysay ay sumasaklaw ng isang yugto na 38 taon at 9 na buwan, mula 1512 hanggang 1473 B.C.E. (Bil 1:1; Deu 1:3, 4) Bagaman nauna sa iba pang mga pangyayaring inilahad sa aklat, ang mga kaganapang isinasalaysay sa Bilang 7:1-88 at 9:1-15 ay naglalaan ng kaugnay na impormasyon na mahalagang bahagi ng aklat.
Manunulat. Mula pa noong sinaunang mga panahon, si Moises na ang kinikilalang manunulat ng aklat ng Mga Bilang. Sinusuportahan ito ng maraming katibayan sa mismong aklat. Walang anumang pahiwatig dito na may iba pang lugar na pinanirahan ang Israel maliban sa Ehipto at pagkatapos ay sa ilang. Sa pagkokomento tungkol sa kung kailan itinayo ang Hebron, ginamit ng manunulat ang Ehipsiyong lunsod ng Zoan upang matukoy ang panahong iyon. (Bil 13:22) Makatuwirang isipin na alam na alam ng isang taong tulad ni Moises kung gaano katanda ang Zoan, yamang ‘tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.’—Gaw 7:22.
Ang ilang utos na nakatala sa aklat ng Mga Bilang ay pantanging kumakapit sa mga kalagayan ng isang bansang laging lumilikas. Kabilang sa mga ito ang itinakdang kampamento ng bawat tribo (Bil 1:52, 53), ang pagkakasunud-sunod ng paghayo (2:9, 16, 17, 24, 31), at ang mga hudyat ng trumpeta para sa pagtitipon sa kapulungan at paglikas ng kampo (10:2-6). Gayundin, ang kautusan tungkol sa pagkukuwarentenas ay ibinagay sa buhay sa kampo. (5:2-4) Ang iba pang mga utos ay isinaad sa paraang maikakapit sa hinaharap kapag naninirahan na sa Lupang Pangako ang mga Israelita. Ang ilan sa mga ito ay: ang paggamit ng mga trumpeta sa pagpapatunog ng mga panawagan sa pakikipagdigma (10:9), ang pagbubukod ng 48 lunsod para sa mga Levita (35:2-8), ang pagkilos na dapat gawin laban sa idolatriya at sa mga tumatahan sa Canaan (33:50-56), ang pagpili ng anim na kanlungang lunsod, ang mga tagubilin sa paghawak sa mga kaso ng mga taong nag-aangking nakapatay nang di-sinasadya (35:9-33), at ang mga kautusan may kinalaman sa pagmamana at pag-aasawa ng mga babaing tagapagmana (27:8-11; 36:5-9).
Karagdagan pa, tiyakang binabanggit sa ulat na si Moises ang nagtala ng mga lugar na pinagkampuhan ng mga Israelita (Bil 33:2), at sinasabi rin sa pangwakas na mga salita ng aklat ng Mga Bilang na siya ang manunulat ng salaysay na ito.—36:13.
Autentisidad. Ang autentisidad ng aklat ay hindi mapag-aalinlanganan. Namumukod-tangi ito sa pagkatahasan. Hindi nito pinagtakpan ang maling paggawi ng Israel at ang kanilang pagkatalo. (Bil 11:1-5, 10, 32-35; 14:2, 11, 45) Inilantad nito maging ang mga pagkakasala ni Moises mismo, ng kaniyang mga kapatid na sina Aaron at Miriam, at ng mga pamangkin niya na sina Nadab at Abihu. (3:3, 4; 12:1-15; 20:2-13) Sa maraming kaso, ang mga pangyayaring nakatala sa aklat ay muling isinalaysay sa Mga Awit (78:14-41; 95:7-11; 105:40, 41; 106:13-33; 135:10, 11; 136:16-20). Sa pamamagitan ng kanilang pagtukoy sa mahahalagang pangyayari at sa iba pang mga detalye sa Mga Bilang, ipinakita nina Josue (4:12; 14:2), Jeremias (2Ha 18:4), Nehemias (9:19-22), David (Aw 95:7-11), Isaias (48:21), Ezekiel (20:13-24), Oseas (9:10), Amos (5:25), Mikas (6:5), ng Kristiyanong martir na si Esteban (Gaw 7:36), ng mga apostol na sina Pablo (1Co 10:1-11) at Pedro (2Pe 2:15, 16), ng alagad na si Judas (tal 11), at ng Anak ng Diyos (Ju 3:14; Apo 2:14) na tinatanggap nila ang rekord na ito bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Nariyan din ang hula ni Balaam tungkol sa bituin na lalabas mula sa Jacob, na unang natupad nang maging hari si David at, nang maglaon, nang supilin niya ang mga Moabita at mga Edomita .—Bil 24:15-19; 2Sa 8:2, 13, 14.
Kahalagahan. Mariing ipinakikita ng aklat ng Mga Bilang na mahalaga ang pagsunod kay Jehova at ang paggalang sa kaniya at sa kaniyang mga lingkod, na kailangang magkaroon ng pananampalataya at magbantay laban sa mga taong di-makadiyos (Bil 13:25–14:38; 22:7, 8, 22; 26:9, 10; Heb 3:7–4:11; 2Pe 2:12-16; Jud 11; Apo 2:14), na hindi dapat ilagay si Jehova sa pagsubok dahil sa kawalang-pananampalataya (Bil 21:5, 6; 1Co 10:9) at na dapat iwasan ang pagbubulung-bulungan (Bil 14:2, 36, 37; 16:1-3, 41; 17:5, 10; 1Co 10:10, 11) at ang seksuwal na imoralidad (Bil 25:1-9; 31:16; 1Co 10:6, 8). Ipinababanaag ng mga pakikitungo ni Jehova sa Israel ang kaniyang dakilang kapangyarihan, awa, at maibiging-kabaitan, gayundin ang kaniyang pagiging mabagal sa pagkagalit, bagaman hindi niya iniuurong ang kaparusahan kapag ito’y nararapat. (Bil 14:17-20) Karagdagan pa, ang posisyon at ministeryo ni Moises (Bil 12:7; Heb 3:2-6), ang makahimalang paglalaan ng tubig mula sa batong-limpak (Bil 20:7-11; 1Co 10:4), ang pagtataas ng tansong serpiyente (Bil 21:8, 9; Ju 3:14, 15), at ang tubig na panlinis (Bil 19:2-22; Heb 9:13, 14) ay nagsilbing makahulang mga larawan na natupad kay Kristo Jesus.
Ang ulat ay naglalaan ng materyal na nakatutulong upang maunawaan ang ibang mga kasulatan. Ipinakikita nito kung ano ang saligan ng Judeanong si Haring Hezekias sa pagdaraos ng Paskuwa noong Ziv (Iyyar) 14, sa halip na noong Nisan (Abib) 14. (Bil 9:10, 11; 2Cr 30:15) Dahil sa kumpletong pagtalakay nito hinggil sa pagka-Nazareo (Bil 6:2-21), nauunawaan natin kung bakit hindi dapat magpagupit ng buhok sina Samson at Samuel (Huk 13:4, 5; 1Sa 1:11) at kung bakit hindi dapat uminom ng nakalalangong inumin si Juan na Tagapagbautismo. (Luc 1:15) Para sa iba pang mga halimbawa, paghambingin ang Bilang 2:18-23 at Awit 80:2; Bilang 15:38 at Mateo 23:5; Bilang 17:8-10 at Hebreo 9:4; Bilang 18:26 at Hebreo 7:5-9; Bilang 18:31 at 1 Corinto 9:13, 14; Bilang 28:9, 10 at Mateo 12:5.
[Kahon sa pahina 416]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA BILANG
Isang makasaysayang salaysay na nagpapakita kung gaano kahalaga na sundin si Jehova sa anumang kalagayan at igalang ang kaniyang mga kinatawan
Sumasaklaw sa mga pangyayari noong kalakhang bahagi ng panahong nasa ilang ang Israel patungo sa Lupang Pangako
Inirehistro at inorganisa ang mga tribo ng Israel
Mga isang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, inirehistro ang lahat ng lalaking Israelita na 20 taóng gulang pataas, maliban sa mga Levita (1:1-49)
Ang bawat tatlong-tribong pangkat ay inatasan ng dakong pagkakampuhan at ng puwesto sa pagkakasunud-sunod ng paghayo (2:1-34)
Ibinukod ang mga Levita upang maging katulong ng mga saserdote; inirehistro ang lahat ng Levita na mahigit sa isang buwan ang edad; kinuha sila ni Jehova kapalit ng mga panganay ng iba pang mga tribo (3:1-51)
Ang mga supling na lalaki nina Kohat, Gerson, at Merari, tatlong anak ni Levi, na may edad na mula 30 hanggang 50 ay binilang at binigyan ng mga atas na paglilingkod (4:1-49)
Kinunan ng isa pang sensus ang mga Israelita di-katagalan bago sila pumasok sa Lupang Pangako (26:1-65)
Ang mga Israelita ay binigyan ng Diyos ng mga utos may kinalaman sa kanilang pagsamba at sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa
Inilahad ang mga kahilingan sa mga Nazareo (6:1-21)
Ipinangilin ang Paskuwa; may ginawang probisyon upang ang sinumang marumi o naglalakbay sa malayo ay makapangilin nito isang buwan pagkaraan ng Nisan 14 (9:1-14)
Ibinigay ang iba’t ibang tuntunin may kinalaman sa mga tungkulin at mga pribilehiyo ng mga saserdote at mga Levita, kasama ang paghahanda ng tubig na panlinis at ang mga paggagamitan nito (18:1–19:22)
Itinala ang mga handog na dapat ihandog bawat araw, tuwing Sabbath, sa pasimula ng bawat buwan, sa panahon ng mga kapistahan, at sa ikapitong buwan (28:1–29:40)
Isinulat ang mga utos ni Jehova na umuugit sa mga panata (30:1-16)
Ang mga nagkasala ay dapat magtapat at dapat magbayad sa pinagkasalahan (5:5-8)
Itinakda ang paraan ng paghawak sa mga kaso kapag ang isang asawang babae ay pinaghihinalaan ng lihim na pangangalunya (5:11-31)
Gumawa ng mga kaayusan may kaugnayan sa anim na kanlungang lunsod (35:9-34)
Hindi pinahalagahan ng mga Israelita ang mga paglalaan ni Jehova, at sinuway nila ang kaniyang mga utos
Nagreklamo ang bayan may kinalaman sa pagkain ng manna at ninasa nilang kumain ng karne; nang maglaan si Jehova ng pugo, marami ang naging napakasakim at pinarusahan ng kamatayan (11:4-34)
Pinaniwalaan nila ang masamang ulat ng sampung matatakuting tiktik at ninais nilang bumalik sa Ehipto; kinailangan ni Moises na makiusap para sa kanila (13:1–14:19)
Nang ang mapaghimagsik na salinlahing iyon ay sentensiyahang magpagala-gala at mamatay sa ilang, tinangka ng bayan na pumasok sa Lupang Pangako nang walang pagsang-ayon ni Jehova, at natalo sila sa pakikipagdigma (14:26-45)
Hindi iginalang ang nakikitang mga kinatawan ni Jehova
Nagsalita sina Miriam at Aaron laban kay Moises; pinakapitan ni Jehova ng ketong si Miriam (12:1-15)
Sina Kora, Datan, Abiram, On, at ang 250 pinuno ay nagpisan laban kina Moises at Aaron; pinuksa ni Jehova ang mga rebelde, at naging dahilan ito ng higit pang pagbubulung-bulungan; 14,700 pa ang namatay (16:1-50)
Sa Kades, labis-labis na nagreklamo ang mga Israelita laban kina Moises at Aaron dahil sa kakapusan ng tubig; nang makahimalang maglaan si Jehova ng tubig, hindi pinabanal nina Moises at Aaron ang pangalan ni Jehova at sa gayo’y naiwala nila ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako (20:1-13)
Ang mga Israelita ay nanghimagod at nagsalita laban kay Jehova at kay Moises; sinalot sila ng mga serpiyente, at marami ang namatay; namagitan si Moises para sa bayan, at ang sinumang nakagat ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pagtitig sa isang tansong serpiyente (21:4-9)
Pinagpala ni Jehova ang Israel ngunit hiningi niya ang bukod-tanging debosyon ng bansa habang naghahanda silang pumasok sa Canaan
Pinagtagumpay ni Jehova ang Israel laban sa hari ng Arad (21:1-3)
Tinalo ng Israel sina Sihon at Og, at inari nila ang lupain ng mga ito (21:21-35)
Inupahan ni Balak si Balaam upang sumpain ang mga Israelita, ngunit pinilit siya ni Jehova na pagpalain ang Israel (22:2–24:25)
Ibinuyo ng mga babaing Moabita ang mga lalaking Israelita sa idolatriya at pakikiapid; 24,000 ang pinatay dahil sa gayong pagkahulog sa apostasya; tumigil si Jehova nang ipakita ni Pinehas na hindi niya pahihintulutang magkaroon ng kaagaw si Jehova (25:1-18)