NOGALES, MGA PUNO NG
[sa Heb., eghohzʹ; sa Ingles, nut trees].
Binanggit ng dalagang Shulamita sa Awit ni Solomon (6:11) na lumusong siya “sa hardin ng mga puno ng nogales.” Maaaring ang mga puno ng nogales na tinutukoy rito ay mga walnut tree (Juglans regia). Ang punungkahoy na ito ay katutubo sa timog-silangang Europa at kanluraning Asia at sa kasalukuyan ay itinatanim ito sa Galilea at sa mga dalisdis ng Lebanon at Bundok Hermon. Binanggit ng Judiong istoryador na si Josephus na sagana itong tumutubo sa lugar ng Dagat ng Galilea noong unang siglo C.E. (The Jewish War, III, 516, 517 [x, 8]) Ang walnut ay isang magandang punungkahoy, anupat tumataas nang hanggang 9 na m (30 piye) at may mababangong dahon na naglalaan ng mainam na lilim. Ang kahoy nito ay may pinong hilatsa at gustung-gusto ng mga manggagawa ng kabinet dahil sa ganda. Ang bunga ng punungkahoy ay nakapaloob sa isang bunot na may tannic acid at kapag pinakuluan ay naglalabas ng tina na matingkad na kayumanggi. Ang laman ng mga nogales ay lubhang nagugustuhan dahil sa masarap na lasa nito at pinipisa upang maglabas ng langis na ang kalidad ay halos kapantay ng langis ng olibo.