OBED-EDOM
[nangangahulugang “Lingkod ni Edom”].
1. Isang Giteo na sa kaniyang tahanan nanatili ang kaban ng tipan nang tatlong buwan matapos ang muntik na pagkabuwal nito at ang kasabay na kamatayan ni Uzah. Sa panahong nanatili ito roon, si Obed-edom at ang kaniyang sambahayan ay pinagpala ni Jehova, at nang malaman ito ni David ay kinilala niyang pahiwatig iyon na pabor kay Jehova na dalhin ang sagradong kaban sa Jerusalem.—2Sa 6:10-12; 1Cr 13:13, 14; 15:25.
Si Obed-edom ay isang “Giteo.” Karaniwan na, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang Filisteo na mula sa Gat, ngunit maaari rin itong tumukoy sa isa na mula sa Gat-rimon, isang Levitang lunsod sa Dan na nakaatas sa mga Kohatita. (Jos 21:20, 23, 24) Yamang ipinagkatiwala sa kaniya ang pangangalaga sa Kaban, kinailangang isa siyang Levita at sa gayon ay malamang na isang Giteo na mula sa Gat-rimon sa halip na isang Filisteong Giteo na mula sa Gat.
Ang pangalang Obed-edom ay maraming ulit na masusumpungang kasama ng mga Levitang manunugtog at mga bantay ng pintuang-daan noong panahon ni David. May di-kukulangin sa dalawang gayong indibiduwal na tinukoy (1Cr 15:21, 24; 16:38), ngunit sa kabila nito ay imposibleng matiyak kung ang ilan pang mga teksto ay tumutukoy kaninuman sa mga ito, o sa iba pang mga indibiduwal na kapanahon niya. Sa gayon, si Obed-edom, na Giteo, ay posibleng siya rin ang alinman sa Blg. 2 o Blg. 3.
2. Isang manunugtog at bantay ng pintuang-daan sa prusisyong nagdala sa Kaban sa Jerusalem. (1Cr 15:18, 21) Malamang na siya ang manunugtog na patuloy na naglingkod sa harap ng tolda ng Kaban sa Jerusalem. (1Cr 16:4, 5, 37, 38a) Posibleng siya rin ang Blg. 1.
3. Isang bantay ng pintuang-daan sa prusisyon ding iyon. (1Cr 15:24) Maaaring siya rin ang “anak ni Jedutun.” (1Cr 16:38b) Posibleng siya rin ang Blg. 1 o Blg. 4.
4. Isang Korahita sa permanenteng pangkat ng mga bantay ng pintuang-daan na, kasama ng 62 kamag-anak, ay inatasang bantayan ang T na panig ng bakuran ng santuwaryo sa Jerusalem.—1Cr 26:1, 4-8, 13, 15; tingnan ang Blg. 3.
5. Tagapag-ingat ng ginto, pilak, at iba pang kagamitan sa bahay ni Jehova noong panahon ng paghahari ni Haring Amazias. Nang salakayin ni Jehoas ng Israel ang Jerusalem sa pagitan ng 858 at 844 B.C.E., ang mga pag-aaring ito, at posibleng si Obed-edom mismo, ay dinalang lahat sa Samaria.—2Cr 25:23, 24.