UNGGUENTO AT MGA PABANGO
Ang mga terminong Hebreo para sa mga ungguento ay tumutukoy hindi lamang sa tulad-pamahid na mga timplada na natutunaw kapag ipinahid sa balat kundi pati sa mga timpladang hinaluan ng langis na nananatiling likido sa normal na mga temperatura.—Exo 30:25; Aw 133:2.
Noon at ngayon, ang mga ungguento ay pangunahin nang ginagamit bilang kosmetik at gamot, anupat karaniwan nang kapaki-pakinabang ang mga ito dahil sa langis na sangkap ng mga ito. Dahil sa kakayahan ng mga taba at mga langis na sumipsip at magpanatili ng mga amoy, naging posible para sa manggagawa ng ungguento na gumawa ng mababangong timplada na lubhang pinahahalagahan dahil sa kabanguhan ng mga iyon. (Sol 1:3) Dahil naman sa bisa ng langis bilang panlinis at pampalambot ng balat, bukod pa sa bango ng mga sangkap na inihalo rito, naging kapaki-pakinabang ang gayong mga ungguento upang maiwasan ang panghahapdi at pangangati ng balat, at ang mga ito ay nagsilbing pamawi ng masamang amoy sa katawan sa mga bansang mainit ang klima at kung saan madalas na kulang na kulang ang suplay ng tubig. Tiyak na itinuring na palatandaan ng pagkamapagpatuloy ng may-bahay ang pag-aalok ng gayong timplada sa mga panauhin pagdating nila sa kaniyang tahanan, gaya ng ipinahihiwatig ng sinabi ni Jesus noong minsang may magpahid ng mabangong langis sa kaniyang mga paa.—Luc 7:37-46.
Kapag gumagamit naman ng mababangong ungguento na natatangi ang pagkakagawa upang ihanda ang bangkay para sa libing, tiyak na ang mga ito ay pangunahin nang nagsisilbing pandisimpekta at pamawi ng masamang amoy. (2Cr 16:14; Luc 23:56) Nasa isip ni Jesus ang gayong paggamit ng ungguento nang ipinaliwanag niya na sa makasagisag na diwa, ang pagpapahid sa kaniya ng napakamamahaling mabangong langis sa bahay ni Simon na ketongin, anupat ang buong bahay ay napuno ng samyo nito, ay ‘paghahanda sa kaniya para sa libing.’ (Mat 26:6-12; Ju 12:3) Kadalasan na, ang mamahaling mga pabango, gaya ng nardo na ginamit sa pagkakataong iyon, ay inilalagay sa magagandang sisidlang alabastro na tinatakpan nang mahigpit.—Mar 14:3; tingnan ang ALABASTRO.
Ang Banal na Langis na Pamahid at ang Banal na Insenso. Ang unang ungguento na binanggit sa Bibliya ay ang banal na langis na pamahid na ginamit upang pabanalin ang inialay na mga kagamitan ng tabernakulo at ang mga saserdote nito. (Exo 30:25-30) Sa ilalim ng parusang kamatayan, ipinagbawal na gamitin ang espesyal na ungguentong ito para sa personal na layunin. Ipinakikita ng kautusang iyon ang pagiging sagrado ng tabernakulo at ng mga naglilingkod doon.—Exo 30:31-33.
Si Jehova ang nagbigay kay Moises ng pormula ng banal na langis na pamahid. Tanging “mga pinakapiling pabango” ang dapat gamitin: mira, matamis na kanela, matamis na kalamo, kasia, at ang pinakadalisay na langis ng olibo, at bawat isa ay may espesipikong dami. (Exo 30:22-24) Si Jehova rin ang nagbigay ng pormula ng banal na insenso. Hindi lamang ito basta isang substansiya na nagbabaga at umuusok; isa itong espesyal na mabangong insenso. (Exo 30:7; 40:27; Lev 16:12; 2Cr 2:4; 13:10, 11) Sa paggawa nito, may espesipikong dami ng patak na estacte, onica, mabangong galbano, at dalisay na olibano na ginagamit, anupat higit pa itong inilarawan ng Diyos bilang “pinaghalu-halong mga espesya, na gawa ng isang manggagawa ng ungguento, inasnan, dalisay, banal.” Ang ilang bahagi ng insenso ay pinupulbos nang husto at malamang na sinasala upang maging isang pinung-pinong produkto na angkop sa espesyal na gamit nito. Isang krimen na pinapatawan ng kamatayan ang paggamit nito para sa pribadong layunin.—Exo 30:34-38.
Ang langis na pamahid at banal na insenso ay kapuwa ginagamitan ng mabangong langis ng balsamo. (Exo 25:6; 35:8, 28) Waring makatuwirang ipalagay na ang pampabangong mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng banal na ungguento ay pinupulbos muna at saka iniluluto sa langis (ihambing ang Job 41:31), pagkatapos ay pinatitining iyon bago kunin at salain ang langis.
Hindi kinailangang mag-eksperimento noon sa paggawa ng langis na pamahid at ng mabangong insenso, sapagkat sa pasimula pa lamang ay sinabi na ni Jehova: “Sa puso ng lahat ng may pusong marunong ay ilalagay ko ang karunungan, upang magawa nga nila . . . ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa santuwaryo.” (Exo 31:6-11; 35:10-15; 37:29; 39:33, 38) Nang maglaon, ang ilan sa mga saserdote ay inatasang maging mga manggagawa ng ungguento para sa pagtitimpla ng mga materyales na iyon at mangasiwa rin sa suplay ng gayong mga bagay. (1Cr 9:30; Bil 4:16) Gayunman, nang humiwalay ang Israel sa dalisay na pagsamba, hindi na naging kalugud-lugod kay Jehova ang paggawa at paggamit nila ng espesyal na mga ungguento at mga insenso.—Isa 1:13.
Kahalagahan ng mga Ungguento at mga Pabango sa Ekonomiya. Noon, ang mga ungguento, mga pabango, at insenso ay hindi limitado sa banal na mga produktong ginagamit sa santuwaryo. Pagsapit ng mga araw ni Solomon, mayroon nang “lahat ng uri ng pabango” at mahalimuyak na mga pulbos para sa pagpapabango ng mga bahay, mga kasuutan, mga higaan, at katawan ng mga maharlika at ng iba pang mga tao na kayang bumili ng mga iyon. (Es 2:12; Aw 45:8; Kaw 7:17; Sol 3:6, 7; 4:10) Ni naging limitado man sa mga Levitikong saserdote ang paggawa ng mga timpladang iyon. Mayroon ding mga babae na naging dalubhasang mga manggagawa ng ungguento, at noong mga araw ni Nehemias, may isang grupo ng mga manggagawa na kinabibilangan ng mga tagapaghalo ng ungguento.—1Sa 8:13; Ne 3:8.
Sa sinaunang daigdig, dahil sa interes ng publiko sa mababangong produkto, nagkaroon ng komersiyo at kalakalan hindi lamang sa gayong uri ng mga paninda kundi pati sa mga materyales na kailangan sa paggawa ng mga iyon. Bukod sa mira na pantanging ginagamit sa mga ungguento, at olibano na para naman sa insenso, ang iba pang mga materyales na gaya ng nardo, safron, kania, kanela, aloe, kasia, gayundin ang sari-saring espesya, sahing, at aromatikong halaman, ay kadalasan nang ibinibiyahe nang malalayong distansiya bago makarating sa mga palayok at mga pagawaan ng mga manggagawa ng ungguento.—Sol 4:14; Apo 18:11, 13.