OTNIEL
Ang unang binanggit na hukom ng Israel pagkatapos ni Josue. Si Otniel ay “anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.” (Huk 1:13; 3:9; Jos 15:17) Bagaman ang ganitong kaayusan sa balarila ay maaaring mangahulugan na ang nakababatang kapatid ni Caleb ay alinman kina Otniel at Kenaz, upang makatugma ng ibang mga teksto, dapat kilalanin si Otniel bilang pamangkin ni Caleb, o anak ng kapatid ni Caleb na si Kenaz. Kaya ang ilang salin ay kababasahan: “Si Otniel, na anak ng nakababatang kapatid ni Caleb, si Kenaz.” (AT, Mo) Bukod diyan, si Caleb ay “anak ni Jepune,” kaya hindi anak ni Kenaz gaya ni Otniel.—Bil 32:12; 1Cr 4:15.
Ang pag-aasawa ni Otniel kay Acsa na anak ni Caleb ay resulta ng kaniyang tagumpay laban sa Debir na moog ng mga Canaanita. Ipinangako ni Caleb na ibibigay niya si Acsa sa sinumang makalulupig sa lunsod. (Jos 15:16-19; Huk 1:11-15) Si Otniel ay nagkaroon ng isang anak na lalaki na nagngangalang Hatat at nakapagtatag ng isang permanenteng pamilya sa tribo ni Juda. Pagkaraan ng maraming taon, noong panahon ng paghahari ni David, isang inapo ang pinili mula sa pamilyang ito upang maging ulo ng isang pangkat na naglilingkod na binubuo ng 24,000 katao.—1Cr 4:13; 27:1, 15.
Ang unang paniniil sa Israel ng mga haring banyaga dahil sa pagsuway ay tumagal nang walong taon. Nang sila ay “nagsimulang humingi ng saklolo kay Jehova,” ibinangon Niya si Otniel upang iligtas sila. Palibhasa’y sumasakaniya ang espiritu ni Jehova, natalo ni Otniel si Cusan-risataim, “na hari ng Sirya,” at siya’y humawak ng panlahatang pangangasiwa at naglapat ng mga hudisyal na pasiya sa kaniyang mga kapatid.—Huk 3:8-11.