PADAN
[posible, Kapatagan (Patag na Lupain)].
Pinaikling anyo ng “Padan-aram.” (Gen 35:9; 48:7) Lumilitaw na ito rin ang “parang ng Sirya [Aram].” (Gen 28:6, 7; Os 12:12) Ang Padan ay isang rehiyon sa palibot ng lunsod ng Haran sa hilagang Mesopotamia. (Gen 28:7, 10; 29:4) Bagaman itinuturing ng ilan na ang Padan at ang Aram-naharaim ay iisa, waring mas malamang na ang Padan ay bahagi ng Aram-naharaim. (Gen 24:10, tlb sa Rbi8; 25:20, tlb sa Rbi8) Ganito ang mahihinuha natin yamang ang Aram-naharaim ay may bulubunduking teritoryo, samantalang ang Padan ay wala, kung tama ang pagkaunawa na ang pangalan nito ay nangangahulugang “kapatagan,” o “patag na lupain.”—Bil 23:7, tlb sa Rbi8; Deu 23:4, tlb sa Rbi8.
Pansamantalang nanirahan ang patriyarkang si Abraham sa Haran na nasa Padan. (Gen 12:4; 28:7, 10) Nang maglaon, ang anak ni Abraham na si Isaac at ang apo niyang si Jacob ay kumuha ng mapapangasawa sa supling ng kaniyang mga kamag-anak sa lugar na iyon. (Gen 22:20-23; 25:20; 28:6) Si Jacob ay gumugol ng 20 taon sa Padan sa paglilingkod sa kaniyang biyenang si Laban. (Gen 31:17, 18, 36, 41) Habang naroroon, naging anak niya si Dina at 11 lalaki. (Gen 29:20–30:24) Ang kaniyang ika-12 anak na lalaki, si Benjamin, ay isinilang sa Canaan.—Gen 35:16-18, 22-26; 46:15; 48:7.