PALASYO
Ang maharlikang tirahan ng isang soberano; kung minsan ay tumutukoy sa malaki at maringal na tahanan ng isang prinsipe o ng isang taong makapangyarihan at mayaman. (Dan 4:4; Luc 11:21; tingnan ang PALASYO NG GOBERNADOR.) Isang salitang Hebreo para sa palasyo, heh·khalʹ, ang kadalasang ikinakapit noon sa templo bilang ang tahanang dako ng Soberanong Panginoong Jehova. (1Sa 1:9; 1Ha 6:3; Ezr 5:14; Dan 5:3) Kalimitan na, ang sinaunang mga palasyo ay tulad-kastilyong mga tanggulan na may mga pader na moog at pagkalaki-laking pintuang-daan. (Ne 1:1; Es 1:2) Ang malalawak na looban at mararangyang pribadong hardin naman, na pangkaraniwan na sa mga palasyo noon, ay nagdulot ng karilagan at kagandahan sa bakuran ng mga ito.—Es 1:5.
Binabanggit ng Bibliya ang mga palasyo ng Asirya (Na 1:1; 2:6), Babilonya (2Ha 20:18; 2Cr 36:7; Isa 39:7; Dan 1:4; 5:5), at Persia (Ezr 4:14; Es 7:7, 8). Yaong mga nasa Babilonya ay inilarawan bilang “mga palasyo ng masidhing kaluguran.” (Isa 13:22) Ang isa sa pinakamariringal na palasyo ng sinaunang daigdig ay yaong itinayo ni Solomon, gaya ng ipinakikita ng impresyon dito ng reyna ng Sheba.—1Ha 10:4, 5.
Ang palasyo ni Solomon, na itinayo sa Bundok Moria sa timog ng templo, ay isa lamang sa mga istraktura ng pamahalaan sa lugar na iyon na kung pagsasama-samahin ay inabot nang 13 taon upang maitayo. Kabilang sa kalipunang ito ng mga gusali ng hari ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon, ang Beranda ng mga Haligi, at ang Beranda ng Trono. Bukod sa palasyo ng hari, mayroon ding isang pantanging bahay para sa anak na babae ni Paraon, isa sa maraming asawa ni Solomon.—1Ha 7:1-8.
Ang nalalaman nating paglalarawan hinggil sa palasyo ni Solomon ay kaunting-kaunti kung ihahambing sa mga detalye tungkol sa malapalasyong templo. Ngunit ipinahihiwatig ng laki ng mga batong pundasyon nito na malamang na isang kahanga-hangang istraktura ang palasyo. Ang mga batong ito ay may haba na walong siko (3.6 m; 11.7 piye) at sampung siko (4.5 m; 14.6 piye), at malamang na ang lapad at kapal ng mga ito ay katugma ng haba ng mga bato, anupat tumitimbang ang mga ito nang maraming tonelada. Ang mga dingding ay yari sa mamahaling mga bato na maingat na nilagari ayon sa mga kahilingang sukat kapuwa sa loob at labas na mga bahagi ng dingding.—1Ha 7:9-11; ihambing ang Aw 144:12.
Sa ika-45 awit, nang tukuyin ng salmista ang “maringal na palasyong garing,” maaaring ang nasa isip niya ay ang mga palamuti at mga kagamitan ng palasyo ni Solomon. Ikinapit ng apostol na si Pablo ang mga salita ng awit na ito kay Jesu-Kristo, ang makalangit na Hari.—Aw 45:8, 15; ihambing ang Aw 45:6, 7 sa Heb 1:8, 9; Luc 4:18, 21.