Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pastulan”
  • Pastulan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pastulan
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Banal na Abuloy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tabernakulo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kapital
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pastulan”

PASTULAN

Lupaing agrikultural, partikular na yaong ginagamit upang doon manginain ang mga hayop, na nakapalibot sa bawat isa sa 48 lunsod ng mga Levita na nakapangalat sa Israel. Hindi kailanman dapat ipagbili ang mga lupaing ito, bagaman ang mga bahay sa mga lunsod ay maaaring ipagbili at saklaw ng tuntunin ng Jubileo.​—Bil 35:2-5; Lev 25:32-34; Jos 21:41, 42.

Ang laki ng mga pastulan ay “mula sa pader ng lunsod at hanggang sa layong isang libong siko [445 m; 1,458 piye] sa buong palibot.” Ngunit idinagdag ng sumunod ng talata: “Susukat kayo sa labas ng lunsod sa dakong silangan ng dalawang libong siko,” gayundin sa timog, kanluran, at hilaga. (Bil 35:4, 5) Maraming mungkahi ang inihaharap upang pagtugmain ang dalawang sukat na ito. Itinatawag-pansin ng ilan na sa unang talata, ang Griegong Septuagint ay kababasahan ng “dalawang libo” sa halip na “isang libo.” Gayunman, ang tekstong Hebreo at maging ang Latin na Vulgate at ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “isang libo.” Inihaharap naman ng mga Judiong komentarista ang posibilidad na ang unang isang libong siko (Bil 35:4) ay hantad na lugar at ginamit bilang mga taniman ng olibo at para sa mga kuwadra ng mga hayop, samantalang ang ikalawang sukat (Bil 35:5) ay para sa aktuwal na mga dakong mapanginginainan o mga pastulan at para rin sa mga bukid at mga ubasan, anupat may kabuuang 3,000 siko sa bawat panig.

Gayunman, yamang ito’y pagbibigay ng mga kahulugang hindi naman tuwirang sinasabi sa mga tekstong iyon, may isa pang paliwanag na waring mas posible. Naniniwala ang ilang komentarista na ang mga sukat ay nangangahulugang itinakda ang pastulan sa pamamagitan ng pagsukat ng 1,000 siko mula sa apat na panig ng lunsod, samakatuwid nga, silangan, kanluran, hilaga, at timog. Kung tungkol sa 2,000 siko sa bawat panig, naniniwala sila na ang pananalitang “sa labas ng lunsod” ay nangangahulugan na ang 2,000 sikong ito ay hindi sinukat mula sa mga pader ng lunsod palabas kundi sukat ito ng bawat isa sa apat na gilid ng dakong pastulan kung susukatin ang kahabaan ng mga hangganan nito. Kung gayon, mangangahulugan ito na ang lugar na inuukupa ng ‘lunsod na nasa gitna’ ay hindi kasama sa sukat na 2,000 siko. Sa pamamagitan ng paliwanag na ito at gaya ng ipinakikita ng dayagram sa kaliwa, mapagtutugma ang dalawang set ng mga sukat.

Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo, ang santuwaryo ay magkakaroon ng 50 siko “bilang pastulan sa bawat panig.” (Eze 45:2) Ang lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon” na nakita ng propeta sa pangitain ay may mga pastulan na 250 siko sa bawat panig. (Eze 48:16, 17, 35) Sa 1 Cronica 5:16, may binanggit na mga pastulan may kaugnayan sa “Saron,” na pinaniniwalaan ng ilan na isang rehiyon o bayan noon sa S ng Jordan. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “pastulan” sa binanggit na mga talata ay lumilitaw rin sa Ezekiel 27:28, kung saan ginamit ito may kaugnayan sa Tiro, ang lunsod na itinayo sa baybayin at sa isang pulo. Sa talatang ito, ang salitang iyon ay isinalin bilang “(mga) baybayin” (Mo, JB), “mga karatig na lupain” (RS), “lantad na lupain” (NW), at “mga distritong kabukiran” (Le), kaya naman marahil ay ipinahihiwatig ng hula na yaong mga nasa kahabaan ng baybayin malapit sa Tiro ay mananaghoy dahil sa pagbagsak nito.

Nagkaroon ng mahalagang dako ang mga kawan sa buhay ng maraming Israelita, anupat nangailangan sila ng mga pastulan kung saan makapanginginain ang kanilang mga tupa at mga kambing. (2Sa 7:8; 1Cr 4:39-41) Kahirapan ang idinulot ng kawalan ng pastulan para sa mga kawan. (Gen 47:3, 4) Sa kabilang dako naman, nakakatulong sa pagkakaroon ng kasaganaan at kapayapaan kapag marami ang lupaing mapanginginainan ng mga hayop. (Isa 30:23; Aw 65:12, 13; 23:2) Kung palalawakin ang pagkakapit, lubusang pagkatiwangwang ang ipinahihiwatig ng pinabayaang pastulan (Isa 27:10), samantalang pananauli naman ng kapayapaan at muling pagtatamo ng lingap ang ipinahihiwatig kapag ang mga pastulan ay muling ginagamit. (Isa 65:10; Jer 23:3; 33:12; 50:19; Mik 2:12) Kung paanong inaakay ng isang maibiging pastol ang mga tupa patungo sa mga pastulan na doo’y ligtas at may kasaganaan ang mga ito, gayon din pinapatnubayan at pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan.​—Aw 79:13; 95:7; 100:3; Eze 34:31.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share