FILADELFIA
[Pagmamahal na Pangkapatid].
Isang lunsod sa K Asia Minor na may isang kongregasyong Kristiyano na pinadalhan ng isa sa pitong liham na nasa Apocalipsis. (Apo 1:11; 3:7-13) Ang Lydianong lunsod ng Filadelfia ay nasa isang maburol na talampas sa T ng Ilog Cogamis, mga 45 km (28 mi) sa TS ng Sardis at 80 km (50 mi) sa HK ng Laodicea. Itinayo ito noong ikalawang siglo B.C.E. ni Eumenes II, hari ng Pergamo, o ng kapatid niya na si Attalus II (Philadelphus), kung kanino ipinangalan ang lunsod. Ang lunsod ay nasa bukana ng isang malapad na libis na dumaraan sa Sardis patungong Smirna (makabagong Izmir) sa baybaying dagat. Iniuugnay ito ng mga daan sa baybayin, sa Pergamo sa dakong H, at sa Laodicea sa dakong TS. Ang lunsod na ito ay nagsilbing pintuan patungo sa pinakasentro ng Frigia.
Ang Filadelfia ay maunlad na sentro ng isang seksiyon na gumagawa ng alak, at ang pangunahing bathala nito ay si Dionisus na diyos ng alak. Dumanas ang lugar na ito ng paulit-ulit na lindol, anupat winasak ng isa sa mga ito ang Filadelfia noong 17 C.E. Sa pamamagitan ng pinansiyal na tulong mula sa Roma, ang lunsod ay muling itinayo at binigyan ng pangalang Neocesarea (Bagong Cesarea) at, nang bandang huli, Flavia. Ang lugar na ito ay kinatatayuan ngayon ng makabagong Alasehir. Ang sinaunang lunsod ay isang sentro na mula roon ay lumaganap ang Helenismo sa Asia Minor.
Maliwanag na may mga Judio roon, yamang binanggit ng Apocalipsis 3:9 “yaong mga mula sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila ay mga Judio.” Marahil ay sinalansang ng mga ito ang tapat na mga Kristiyano sa lunsod sa pamamagitan ng pagsisikap na mabawi ang mga Kristiyanong ipinanganak na Judio o mahikayat sila na panatilihin ang o muling magsagawa ng ilang kaugalian ng Kautusang Mosaiko. Hindi nagtagumpay ang pagtatangkang ito. Pinapurihan ni Jesus ang mga Kristiyano roon dahil sa kanilang pagbabata. Pinatibay-loob niya sila na ‘patuloy na manghawakang mahigpit.’—Apo 3:9-11.
Para sa Filadelfia ng Decapolis, tingnan ang RABA Blg. 1.