PAGMAMAPURI
[sa Ingles, pride].
Labis-labis na pagpapahalaga sa sarili; di-makatuwirang pagkadama ng pagiging nakahihigit sa iba kung tungkol sa talino, kagandahan, kayamanan, posisyon, at iba pa; mapanghamak na paggawi o pakikitungo; walang pakundangan o mapagmataas na pag-uugali; palalong pagkilos. Sa ilang kaso, ang pagmamapuri ay maaaring magkaroon ng mabuting kahulugan na tumutukoy sa pagkalugod o pagkagalak dahil sa isang partikular na gawa o tinataglay. Ang ilang singkahulugan ng pagmamapuri ay egotismo, pagmamataas, kapalaluan.
Ang pandiwang Hebreo na ga·ʼahʹ ay literal na nangangahulugang “tumaas” at ito ang salitang-ugat ng maraming salitang Hebreo na nagtatawid ng ideya ng pagmamapuri. Ang kaugnay na mga anyong ito ay isinasalin bilang “kapalaluan,” “pagtataas sa sarili,” at, kapuwa sa mga diwang mabuti at masama, “karilagan,” at “kadakilaan.”—Job 8:11; Eze 47:5; Isa 9:9; Kaw 8:13; Aw 68:34; Am 8:7.
Ang salitang Griego na kau·khaʹo·mai, na nangangahulugang “maghambog, magmapuri, magbunyi,” ay ginagamit din kapuwa sa mabuti at masamang diwa, anupat ang konteksto ang nagbibigay-linaw kung paano ito ginamit.—1Co 1:29; Ro 2:17; 5:2.
Mapanlinlang at Mapaminsala ang Pagmamapuri. Maaaring hindi kinikilala ng taong mapagmapuri na siya ay mapagmapuri at maaaring binibigyan niya ng ibang dahilan ang kaniyang mga pagkilos dahil ayaw niyang tanggapin na siya ay mapagmapuri. Ang bawat isa ay dapat na lubusang magsuri ng kaniyang sarili at ng kaniyang mga motibo upang matiyak kung nagtataglay siya ng masamang katangiang ito. Ipinakita ng apostol na si Pablo ang pangangailangan ng isang tao na magkaroon ng tamang motibo, at ng kaalaman hinggil sa kaniyang sarili mismo may kinalaman sa bagay na ito, nang sabihin niya: “Kung ibinibigay ko ang lahat ng aking mga pag-aari upang pakainin ang iba, at kung ibinibigay ko ang aking katawan, upang ako ay makapaghambog [kau·kheʹso·mai], ngunit wala akong pag-ibig, hindi ako nakikinabang sa paanuman.”—1Co 13:3.
Kung gayon, ang pagmamapuri ay dapat na alisin ng isang tao sa kaniyang personalidad para sa kaniyang sariling kapakinabangan. Higit na mahalaga, dapat niya itong gawin kung nais niyang palugdan ang Diyos. Dapat pa nga itong kapootan ng isa, sapagkat sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama. Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri at ang masamang lakad at ang tiwaling bibig ay kinapopootan ko.”—Kaw 8:13.
Mapapahamak ang isang indibiduwal kung hindi niya iwawaksi ang kaniyang pagmamapuri. “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod” (Kaw 16:18), at “ang bahay ng mga palalo ay gigibain ni Jehova.” (Kaw 15:25) May maraming halimbawa ng pagbagsak ng mapagmapuring mga indibiduwal, dinastiya, at mga bansa.—Lev 26:18, 19; 2Cr 26:16; Isa 13:19; Jer 13:9; Eze 30:6, 18; 32:12; Dan 5:22, 23, 30.
Mapanlinlang ang pagmamapuri. Nagpapayo ang apostol na si Pablo: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Gal 6:3) Waring pinipili ng taong mapagmapuri ang daan na pinakakapaki-pakinabang para sa kaniya, ngunit hindi niya isinasaalang-alang ang Diyos. (Ihambing ang Jer 49:16; Apo 3:17.) Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang magkaroon ng mapagpakumbabang espiritu kasama ng maaamo kaysa makihati sa samsam kasama ng mga palalo.”—Kaw 16:19.
Paghahambog. Ang pandiwang Griego na kau·khaʹo·mai (maghambog) ay kalimitang ginagamit sa diwang mapag-imbot na pagmamapuri. Ipinakikita ng Bibliya na walang sinuman ang may anumang saligan para ipaghambog ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga nagawa. Sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto noon, may ilan na nagmamalaki hinggil sa kanilang sarili o sa ibang mga tao, anupat lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon. Sila ay nag-iisip ayon sa laman, anupat tumitingin sa mga tao sa halip na kay Kristo. (1Co 1:10-13; 3:3, 4) Ang mga taong ito ay hindi interesado sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon, kundi nais nilang maghambog may kaugnayan sa panlabas na mga kaanyuan, anupat hindi talaga nagnanais na tumulong sa kanilang mga kapuwa Kristiyano upang makapaglinang ang mga ito ng mabuting puso sa harap ng Diyos. (2Co 5:12) Dahil dito, ang kongregasyon ay sinaway nang matindi ng apostol na si Pablo, anupat ipinakita niyang walang dahilan upang ipaghambog nila ang sinuman kundi ang Diyos na Jehova lamang at ang mga ginawa Niya para sa kanila. (1Co 1:28, 29; 4:6, 7) Ang alituntunin ay: “Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.”—1Co 1:31; 2Co 10:17.
Higit pa rito ang ginawang pagtuligsa ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago sa mga naghahambog tungkol sa ilang proyekto sa sanlibutan na binabalak nilang isagawa, anupat sinabi niya sa kanila: “Ipinagmamapuri ninyo ang inyong pangahas na mga pagyayabang. Ang lahat ng gayong pagmamapuri ay balakyot.”—San 4:13-16; ihambing ang Kaw 27:1.
Isang Mabuting Kahulugan. Ang salitang Hebreo na ga·ʼahʹ, ang salitang Griego na kau·khaʹo·mai, at ang kaugnay na mga anyo ng mga ito ay ginagamit din sa positibong diwa upang tumukoy sa pagmamapuri o sa kaluguran dahil sa isang gawa o tinataglay. Tinukoy ng salmista ang Israel bilang “ang pagmamapuri ng Jacob, na iniibig [ni Jehova].” (Aw 47:4) Sa isang hula ng pagsasauli, sinabi ni Isaias na ang bunga ng lupain ay magiging “isang bagay na maipagmamalaki.” (Isa 4:2) Sinabi ng apostol sa kongregasyon ng Tesalonica na, bilang resulta ng kanilang pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata, “ipinagmamapuri namin mismo kayo sa gitna ng mga kongregasyon ng Diyos.” (2Te 1:3, 4) Ipinagmamapuri ng mga Kristiyano na si Jehova ang kanilang Diyos, na nakilala nila siya, at na kaniyang kinikilala sila. Sinusunod nila ang simulaing: “Ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa.”—Jer 9:24; ihambing ang Luc 10:20.