LUNSOD NG MGA SASERDOTE, MGA
Mga lugar sa Lupang Pangako na ibinukod bilang mga dakong tirahan ng mga Aaronikong saserdote at ng kanilang mga pamilya. Sa 48 lunsod na ibinigay ng ibang mga tribo ng Israel sa tribo ni Levi, 13 ang iniatas sa mga Kohatitang saserdote ng pamilya ni Aaron. (Jos 21:1-42; 1Cr 6:54-81) Siyam na lunsod ang ibinigay sa kanila ng mga tribo nina Juda at Simeon at apat naman ang ibinigay ng tribo ni Benjamin. Sa gayon, “ang lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ay labintatlong lunsod at ang mga pastulan ng mga ito.” (Jos 21:4, 9-19) Ang mga lunsod na ito ay ang Hebron (isang kanlungang lunsod), Libna, Jatir, Estemoa, Holon (lumilitaw na ang Hilen), Debir, Ain (Asan), Juta, Bet-semes, Gibeon, Geba, Anatot, at Almon (Alemet), anupat ang lahat ng ito, maliban sa Juta at Gibeon, ay muling binabanggit sa 1 Cronica 6:54-60.
Nang ang kaban ni Jehova ay dadalhin na niya sa Jerusalem, nagpasabi si David sa mga saserdote na nasa kani-kanilang lunsod upang magtipon ang mga ito. (1Cr 13:1-5) At espesipiko ring binabanggit na may mga lalaking inatasan upang mamahagi ng iniabuloy na mga bahagi sa kanilang mga kapatid na saserdote na tumatahan sa mga lunsod ng mga saserdote noong panahon ng paghahari ni Haring Hezekias.—2Cr 31:11-19.