TIBAGAN
Isang hantad na hukay na pinagkukunan ng iba’t ibang uri ng bato. Dito tinitibag ang batong-apog at marmol, na matatagpuan malapit sa ibabaw ng lupa. Isang malaking lugar malapit sa kasalukuyang Pintuang-daan ng Damasco sa Jerusalem ang ipinapalagay na isang sinaunang tibagan. Unang tinukoy ang gayong lugar sa Josue 7:4, 5, kung saan iniuulat na mga 3,000 Israelita ang tumakas mula sa Ai hanggang sa Sebarim, nangangahulugang “Mga Tibagan.” Noong naghahanda si Solomon para sa pagtatayo ng templo, iniutos niya na magtibag ng malalaking batong pundasyon mula sa kabundukan ng Lebanon, at sampu-sampung libong lalaki ang tinawag para sa gawaing iyon. (1Ha 5:13-18; 6:7) Nang kailanganing kumpunihin ang templo noong mga araw ni Jehoas, umupa ng mga tagatabas ng bato para sa gawaing iyon. (2Ha 12:11, 12) Ang libingan ni Jesus ay inuka sa bato.—Mat 27:59, 60; Mar 15:46.
Sa isang mabisang metapora, ipinaalaala ni Jehova, sa pamamagitan ng bibig ni Isaias, ang tibagan at ang mga gawain dito. (Isa 51:1) Gaya ng ipinahihiwatig ng kasunod na talata, lumilitaw na ang “bato” ay si Abraham, ang taong pinagmulan ng bansa, at ang “uka ng hukay” ay si Sara, ang may-ari ng bahay-batang tulad ng isang uka na nagsilang sa ninuno ng Israel na si Isaac. (Isa 51:2) Gayunman, yamang ipinanganak si Isaac sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos anupat isa itong makahimalang gawa, maaaring ang pagtitibag na tinutukoy sa metapora ay mayroon ding nakahihigit na espirituwal na pagkakapit. Sa gayon, tinutukoy ng Deuteronomio 32:18 si Jehova bilang ‘Ang Bato na naging ama’ ng Israel, ang “Isa na nagluluwal [ang mismong pandiwa na ginamit kay Sara sa Isa 51:2] sa iyo nang may mga kirot ng panganganak.”
Kung minsan, ang produkto ng tibagan ay tinatawag din sa pangalang iyon. Kaya nga ang salitang Hebreo na pesi·limʹ, isinasalin bilang “tibagan” sa Hukom 3:19, 26, ay isinasalin naman sa ibang mga talata bilang “mga nililok na imahen.” (Deu 7:5; Aw 78:58; Isa 10:10) Sa dahilang ito, iminumungkahi ng ilan na maaaring mula sa isang lugar na may kalipunan ng gayong mga paganong diyos, na produkto ng tibagan, nagbalik si Ehud upang personal na dumalaw kay Eglon. Gayunman, mas gusto ng karamihan sa mga tagapagsalin ang saling “tibagan.”
Ang dating mga tibagan kung saan may mga gawaing iniwan na bahagya pa lamang natatapos ay nagbibigay-linaw sa sinaunang mga pamamaraan sa pagtitibag. Gumagawa ng makikitid at malalalim na bitak sa bato. Sa mga bitak na ito ay nagbabaon ng tuyong kahoy, na pinamamaga naman sa pamamagitan ng tubig hanggang sa mabiyak ang bato sa mga gatlang nito. Noong mga panahong Romano, ang mga batong tumitimbang nang hanggang lima o sampung tonelada ay tinitibag sa mga dakong malalayo sa mga lugar ng pagtatayo. Pagkatapos, hinahakot ang mga ito sakay ng mga panggulong o ng mga kareta, anupat ang lakas na ginagamit dito ay inilalaan ng malalaking hukbo ng mga trabahador na alipin.