TAGAPAGTALA
Isang opisyal na may mabigat na pananagutan sa maharlikang korte ng Israel. Ang titulong ito ay isinalin mula sa isang anyo ng salitang Hebreo na za·kharʹ (alalahanin) at literal na nangangahulugang “tagapagpaalaala.” (2Sa 8:16, tlb sa Rbi8) Hindi binabanggit sa Bibliya ang kaniyang mga tungkulin, ngunit waring siya ang opisyal na mananalaysay ng kaharian, na naglalaan ng impormasyon sa hari tungkol sa mga pangyayari sa kaharian at nagpapaalaala rin dito ng mahahalagang bagay na dapat nitong bigyang-pansin, anupat nagpapayo tungkol sa mga ito.
Kung minsan, kinakatawanan ng tagapagtala ang hari sa mahahalagang bagay na pambansa. Si Joa na anak ni Asap ay isa sa mga opisyal ni Haring Hezekias na lumabas upang makipag-usap sa Asiryanong si Rabsases nang pagbantaan nito ang Jerusalem. (2Ha 18:18, 37) Isa pang tagapagtala, si Joa na anak ni Joahaz, ang nangasiwa naman may kaugnayan sa pagkukumpuni ng templo. (2Cr 34:8) Mayroon ding isang tagapagtala na binabanggit sa nasa mga korte ni David at ni Solomon.—2Sa 8:16; 20:24; 1Ha 4:3; tingnan ang TAGAPAGTALA NG LUNSOD.