WALANG-TAROS NA PAGSASAYA
[sa Ingles, revelry].
Ang salitang Griego na koʹmos, na isinalin bilang “walang-taros na pagsasaya,” ay lumilitaw nang tatlong ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at laging sa masama o di-kaayaayang diwa. Ipinakikita ng Greek-English Lexicon of the New Testament ni Joseph Thayer na sa sinaunang mga akdang Griego, kumakapit ito sa “isang magulong prusisyon sa gabi ng medyo-lasing at nagkakasayahang mga lalaki na pagkatapos ng hapunan ay nagpaparada sa mga lansangan nang may mga sulo at musika bilang parangal kay Bacchus o sa iba pang bathala [o sa isang nagwagi sa mga palaro], at kumakanta at naglalaro sa harap ng mga bahay ng kanilang mga kaibigang lalaki at babae.” (1889, p. 367) Ang gayong mahalay at walang-pagpipigil na paggawi, na may kasamang mga prusisyon sa lansangan na kahawig ng makabagong mga pagdiriwang sa karnabal sa ilang lupain, ay pangkaraniwan sa mga Griegong lunsod noong panahon ng mga apostol. Kaya naman angkop at kapaki-pakinabang para sa mga tunay na mananamba ang babala at payo hinggil dito.
Ang mga walang-taros na pagsasaya ay talagang hindi para sa mga Kristiyano, yamang ang mga ito’y hinahatulan ng Salita ng Diyos. Bago sila naging mga Kristiyano, ang ilan sa mga sinulatan ni Pedro sa mga probinsiya ng Asia Minor na naimpluwensiyahan ng Gresya (1Pe 1:1) ay ‘lumalakad sa mga gawa ng mahalay na paggawi, masasamang pita, mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga bawal na idolatriya.’ Ngunit nang sila’y maging mga Kristiyano, inihinto nila ang mga bagay na iyon. (1Pe 4:3, 4) Dahil sa talamak na kahalayan at kalayawan nito, ang walang-taros na pagsasaya ay isang “gawang nauukol sa kadiliman” na hindi dapat lakaran ng mga Kristiyano.—Ro 13:12-14.
Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pagsasaya. Ang tao ay sinasabihang magsaya sa kaniyang Maylalang, ang asawang lalaki sa kaniyang asawa, ang trabahador sa gawa ng kaniyang mga kamay, at ang magsasaka naman sa bunga ng kaniyang pagpapagal. (Aw 32:11; Kaw 5:18; Ec 3:22; Deu 26:10, 11) Ang pagsasaya ay maaaring may kasamang pagkain at inumin na nakadaragdag sa kasiyahan (Ec 9:7; Aw 104:15), ngunit dapat panatilihin ang pagiging katamtaman. (Kaw 23:20; 1Ti 3:2, 11; 1Co 10:31) Ang pagkakasayahan hanggang sa pagkalango, na may kasamang mga kaguluhan at kahalayan, ay walang-taros na pagsasaya. Inilakip ni Pablo ang mga walang-taros na pagsasaya sa “mga gawa ng laman,” anupat ang mga nagsasagawa nito ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Gal 5:19-21.