REZIN
1. Hari ng Sirya na naghari sa Damasco noong mga panahon ng mga paghahari ni Haring Jotam (777-762 B.C.E.) ng Juda at ng kaniyang anak na si Haring Ahaz (na ang paghahari ay nagtapos noong 746 B.C.E.).
Maliwanag na noong papatapos na ang paghahari ni Jotam, sumama si Rezin kay Peka na hari ng Israel sa pakikipagdigma laban sa Juda. (2Ha 15:36-38) Noong panahon ng pakikidigma, na nagpatuloy hanggang noong paghahari ni Ahaz, nabihag ng mga Siryano, maliwanag na sa ilalim ni Rezin, ang maraming Judeano at dinala ang mga ito sa Damasco. (2Cr 28:5) Gayundin, inagaw ni Rezin mula sa Juda ang lunsod ng Elat sa Gulpo ng ʽAqaba, anupat itinaboy ang mga Judio at isinauli ang lunsod sa mga Edomita. (2Ha 16:6) Kinubkob ng pinagsamang mga hukbong Siro-Israelita ang Jerusalem, anupat binalak nilang gawing hari nito “ang anak ni Tabeel,” ngunit hindi nila nabihag ang lunsod. (2Ha 16:5; Isa 7:1, 6) Lubhang ikinatakot ni Ahaz ang situwasyon, sa kabila ng pagtiyak ni Isaias na hindi dapat katakutan si Rezin ng Sirya at si Peka ng Israel. (Isa 7:3-12; 8:6, 7) Humingi ng tulong si Ahaz sa Asirya, anupat sinuhulan si Tiglat-pileser III upang salakayin ang Sirya.—2Ha 16:7, 8; 2Cr 28:16, 20.
Nakipagdigma si Tiglat-pileser III laban sa Damasco, anupat binihag ito at pinatay si Rezin. Sa gayon ay napasailalim ang Sirya sa pamumuno ng Asirya.—2Ha 16:9.
2. Ang ama ng isang pamilya ng mga Netineo, na ang ilan sa kanila ay bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 537 B.C.E.—Ezr 2:1, 43, 48; Ne 7:6, 46, 50.