SARON
1. Tabing-dagat na kapatagan sa pagitan ng Kapatagan ng Dor (sa T ng Carmel) at ng Kapatagan ng Filistia. Mula sa hilagaang hanggahan nito na Crocodile River (Nahr ez-Zerqa), ang Saron ay sumasaklaw nang mga 60 km (40 mi) patimog hanggang sa lugar ng Jope. Iba-iba rin ang lapad nito, anupat mula 16 hanggang 19 na km (10 hanggang 12 mi). Malalawak na burol ng buhangin ang makikita sa kahabaan ng baybayin nito. Dahil may mga lansangang-bayan na bumabagtas dito, napakahalaga ng lugar na ito noong sinaunang panahon para sa militar at komersiyo.
Kilala ang Saron sa katabaan ng lupa nito (ihambing ang Isa 35:2), palibhasa’y isang rehiyon na natutubigang mainam at dinadaluyan ng mga batis. Nanginginain dito ang mga kawan at mga bakahan. (1Cr 27:29; ihambing ang Isa 65:10.) Malalaking kagubatan ng ensina ang dating nasa hilagaang bahagi ng Saron, samantalang ang timugang bahagi naman, gaya sa ngayon, ay malamang na mas sinaka nang malawakan. Waring ang kalakhang bahagi ng rehiyon ay naging tiwangwang nang kubkubin ito ng Asirya noong ikawalong siglo B.C.E.—Isa 33:9.
Sa Awit ni Solomon, binanggit na inilarawan ng Shulamita ang kaniyang sarili bilang isang “hamak na safron sa baybaying kapatagan,” na maliwanag na nangangahulugang siya’y isang pangkaraniwang bulaklak lamang sa gitna ng maraming bulaklak na umuusbong sa Saron.—Sol 2:1.
2. Ayon sa 1 Cronica 5:16, ang tribo ni Gad ay nanahanan sa “Gilead, sa Basan at sa mga sakop na bayan nito at sa lahat ng pastulan ng Saron.” Iniisip ng ilang iskolar na ito’y nangangahulugan na ang mga Gadita ay nagpastol ng kanilang mga kawan sa mga baybaying kapatagan ng Saron. Gayunman, ang teritoryong tinanggap ng Gad ay nasa S ng Jordan, at nasa panig na iyon kapuwa ang Gilead at Basan. Dahil dito, ipinapalagay ng marami na mayroon ding rehiyon na tinawag na Saron sa teritoryo ng Gad.