SETAR-BOZENAI
Isang opisyal, marahil ay isang kalihim, kasamahan ni Tatenai na Persianong gobernador “sa kabilang ibayo ng Ilog” noong panahon ng paghahari ni Dario I (Hystaspis). (Ezr 5:3, 6; 6:6, 13) Pumaroon sa Jerusalem si Setar-bozenai kasama si Tatenai at ang iba pa upang ipahayag ang kanilang mga pagtutol sa muling pagtatayo ng mga Judio ng templo, na gawaing ipinagbawal ni Artajerjes. Gayunman, patuloy na nagtrabaho ang mga Judio sa kabila ng mga reklamo samantalang may ginagawang pag-uulat kay Dario. Si Tatenai at si Setar-bozenai at ang kaniyang mga kasamahan ay sumulat sa hari na iniuulat ang mga gawain sa Jerusalem at sinasabing ang mga nagtatayo ng templo ay may binanggit na isang utos ng awtorisasyon na ipinalabas ni Ciro na hari. Hiniling nila na imbestigahan ang bagay na iyon. Kinilala ng tugon ni Dario ang di-mababagong batas ni Ciro at hindi lamang inutusan si Setar-bozenai at ang mga kasama nito na ‘lumayo sila’ sa Jerusalem kundi mahigpit ding ipinag-utos, na may kaukulang mabigat na parusa, na maglaan ng materyal na suporta mula sa maharlikang ingatang-yaman para sa mga Judio upang makapagpatuloy ang kanilang pagtatayo ng templo at paglilingkod doon. Ginawa ni Setar-bozenai at ng kaniyang mga kasamahan ang ayon sa ipinag-utos.—Ezr 4:23–6:13.