MUSARANYA, MGA
[sa Heb., chaphar·pa·rohthʹ; sa Ingles, shrewmice].
Maliliit at tulad-dagang mga hayop na nababalutan ng pino at maiikling balahibo. Ipinapalagay na ang termino para sa musaranya sa orihinal na wika ay halaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “maghukay.” (Gen 26:15) Kaya naman iminumungkahi ng maraming iskolar na maaaring tumutukoy ito sa alinman sa sari-saring uri ng mga hayop na naghuhukay ng lungga, kabilang na ang daga, bubuwit, dagang-lupa, herboa, at mga katulad nito. Gayunman, ayon kina Koehler at Baumgartner, ang chaphar·pa·rohthʹ ay tumutukoy sa “mga musaranya.”—Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 322.
Ang mga musaranya ay may mahahaba at payat na nguso, maliliit na mata, at pabilog na mga tainga na waring nilamukos. Palibhasa’y malalakas kumain, sa isang maghapon, kayang kainin ng mga musaranya ang dami ng pagkaing higit sa kanilang timbang. Ang pangunahing kinakain nila ay mga insekto at mga bulati, bagaman kumakain din sila ng maliliit na hayop na kasinlaki nila o mas malalaki pa, gaya ng mga bubuwit. Tinukoy ni I. Aharoni ang uri ng musaranya na binanggit sa Isaias 2:20 bilang Crocidura religiosa.—Osiris, Brugge, 1938, Tomo 5, p. 463.