PAGKAWALANG-ASAWA
Ang kalagayan ng pagiging walang asawa. Sa pasimula, matapos lalangin ang taong si Adan, “sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.’” (Gen 2:18, 21-24) Mula noon, ang pag-aasawa ang naging normal na paraan ng pamumuhay ng mga tao, at bibihira ang hindi nag-aasawa anupat ito’y kung may pantanging mga dahilan lamang.—Tingnan ang PAG-AASAWA.
Isa sa gayong pantanging mga kaso yaong kay Jeremias. Inutusan siya ng Diyos na manatiling walang asawa at huwag mag-anak, yamang sasapit sa bansang iyon ang mapanganib na mga kalagayan anupat ang mga bata ay walang-awang papatayin ng isang malupit na manlulupig. (Jer 16:1-4) Ang anak na babae ni Jepte ay isa pang eksepsiyon. Bilang paggalang sa panata ng kaniyang ama, kusang-loob siyang nanatiling walang asawa at buong-panahong naglingkod sa bahay ni Jehova.—Huk 11:34-40.
Tinalakay ng apostol na si Pablo ang kapakinabangan ng pagkawalang-asawa, kung ang isa ay hindi naman ‘nagniningas sa pagnanasa’ anupat nanganganib na makiapid. Ang landasin ng pagkawalang-asawa ay ‘mas mabuti’ sapagkat binibigyan nito ng kalayaan ang isa na makapaglingkod sa Diyos “nang walang abala.” (1Co 7:1, 2, 8, 9, 29-38; 9:5) Hindi sinasabi kung ang apat na anak na babae ni Felipe na ebanghelisador ay nag-asawa nang dakong huli, ngunit noong panahong isulat ni Lucas ang kaniyang ulat ay tinukoy sila bilang “mga dalaga, na nanghuhula.”—Gaw 21:8, 9.
Si Kristo Jesus, tulad ni Jeremias, ay nanatiling walang asawa. Sa pakikipag-usap ni Jesus sa kaniyang mga alagad hinggil sa kung dapat bang piliin ang pagkawalang-asawa kaysa sa pag-aasawa, sinabi niya, “Hindi lahat ng tao ay naglalaan ng dako para sa pananalitang ito, kundi yaong mga may kaloob lamang . . . at may mga bating na ginawang bating ang kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.”—Mat 19:10-12.
Kung gayon, ang pagkawalang-asawa ay isang kaloob na ang pangunahing bentaha ay ang kalayaang ibinibigay nito. May kinalaman dito ay gumamit si Jesus ng makasagisag na pananalita. Ang mga tao ay ‘naglalaan ng dako para rito,’ hindi sa pamamagitan ng literal na pagpapakapon, kundi sa pamamagitan ng kusang-loob na pagpapasiya sa kanilang mga puso na manatiling walang asawa sa pisikal na paraan, sa buong buhay man nila o sa loob ng mas limitadong panahon, anupat nananatili sila sa kalagayang ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili.
Gayunman, ang turo at kaugalian na sapilitang di-pag-aasawa (celibacy) ng ilang sekta ng relihiyon ay walang batayan sa Kasulatan. Sa kabaligtaran ay nasusulat, “Sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, . . . [anupat] ipinagbabawal ang pag-aasawa.” (1Ti 4:1-3) Kapansin-pansin, marami o karamihan sa mga apostol ay may-asawa. (1Co 9:5) Ang hindi pag-aasawa ng mga taong may kaloob na pagkawalang-asawa ay hindi naman dahil sa panata ng di-pag-aasawa kundi dahil may pagnanais sila at kakayahan na iukol ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos nang walang asawa.