PAMATAY-APOY
Mga ginintuang kagamitan na ginamit may kaugnayan sa mga lamparang nakapatong sa mga sanga ng (mga) kandelero sa tabernakulo at sa templo ng Israel. (Exo 25:37, 38; 37:23; Bil 4:9; 1Ha 7:48, 49; 2Cr 4:19-21) Ang mga pamatay-apoy ay tinutukoy ng doblihang salitang Hebreo na mel·qa·chaʹyim, na hinalaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “kunin.” Ang paggamit ng doblihang anyo ay nagpapahiwatig ng isang kasangkapan na posibleng binubuo ng dalawang bahagi. Kaayon nito, sa Isaias 6:6, ang salitang mel·qa·chaʹyim ay tumutukoy sa “mga sipit” na ginamit ng isang serapin bilang pangkuha ng nagbabagang uling mula sa altar.
Ipinakikita na may pagkakaiba ang “mga pamatay-apoy [snuffers]” ng kandelero at ang “mga pamatay ng apoy [extinguishers]” na ginagamit sa templo. (1Ha 7:49, 50; 2Cr 4:21, 22) Bagaman hindi inilarawan sa Kasulatan, ang mga pamatay-apoy ay maaaring mga sipit na panghawak ng mga sunóg na mitsa ng lampara, samantalang ang mga pamatay ng apoy ay maaaring tulad-gunting na mga panggupit ng sunóg na bahagi ng mitsa. Sa tabernakulo, ang mga pinaggupitang ito ng mitsa, na nakaipit sa mga pamatay-apoy, ay iniipon sa mga lalagyan ng apoy bago itapon.—Exo 37:23.