PAGBATO
Sa ilalim ng Kautusan, ang isang manggagawa ng kamalian na marapat sa kaparusahang kamatayan ay kadalasang pinupukol ng mga bato hanggang sa mamatay. (Lev 20:2) Ginagawa ito upang ‘alisin ang kasamaan sa gitna nila.’ Maririnig ng buong Israel ang tungkol sa kaparusahang ito, at maikikintal sa kanilang mga puso ang pagkatakot sa paggawa ng gayong kasamaan. (Deu 13:5, 10, 11; 22:22-24) Ipinakita ng pagbato nila sa manggagawa ng kasamaan na masigasig sila sa tunay na pagsamba, anupat masidhi nilang ninanais na walang kadustaang sumapit sa pangalan ng Diyos at hinahangad nilang mapanatiling malinis ang kongregasyon.
Bago batuhin ang isang manggagawa ng kamalian, di-kukulangin sa dalawang saksi ang kailangang magbigay ng magkasuwatong patotoo laban sa kaniya, at pagkatapos nito, sila ang unang maghahagis ng mga bato. (Lev 24:14; Deu 17:6, 7) Dahil sa posibilidad na siya ang magiging tagapuksa, maingat na mag-iisip ang isang tao bago siya magbigay ng patotoo at walang alinlangang naging hadlang ito sa pagtestigo nang may kabulaanan, na kung matutuklasan ay mangangahulugan ng sariling buhay ng sinungaling na saksi.—Deu 19:18-20.
Walang alinlangan na kadalasang sa labas ng lunsod isinasagawa ang pagbato. (Bil 15:35, 36; 1Ha 21:13; ihambing ang pagkakaiba sa Deu 22:21.) Pagkatapos nito, bilang babala, ang bangkay ay maaaring ibayubay sa isang tulos, ngunit hindi ito dapat lubugan doon ng araw. Ililibing ito sa araw ring iyon.—Deu 21:21-23.
Tinukoy ni Jesus ang Jerusalem bilang “ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya.” (Mat 23:37; ihambing ang Heb 11:37.) Si Kristo mismo ay pinagtangkaang batuhin. (Ju 8:59; 10:31-39; 11:8) Sa ganitong paraan pinatay si Esteban. (Gaw 7:58-60) Sa Listra, “binato [ng mga panatikong Judio] si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lunsod, sa pag-aakalang patay na siya.”—Gaw 14:19; ihambing ang 2Co 11:25.
Para sa mga paglabag na nilalapatan ng parusang pagbato, tingnan ang KRIMEN AT KAPARUSAHAN.