SICAR
Isang lunsod ng Samaria kung saan matatagpuan ang bukal ni Jacob. Ito’y “malapit sa parang na ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak” sa kapaligiran ng Sikem. (Ju 4:5, 6; ihambing ang Jos 24:32.) Sa Syriac Sinaitic codex, “Sikem” ang mababasa halip na “Sicar.” Gayunman, “Sicar” ang salin na sinusuportahan ng pinakamahuhusay na manuskritong Griego. Ipinakikita ng ilang sinaunang di-Biblikal na mga manunulat na magkaiba ang Sikem at ang Sicar; hindi naman gayon ang ginawa ng iba. Batay sa mga paghuhukay kamakailan, pansamantalang iniuugnay ng ilan ang Sicar sa nayon ng ʽAskar, na 0.7 km (0.4 mi) sa HHS ng bukal ni Jacob at mga 1 km (0.6 mi) sa HS ng Sikem.