TAMUZ, I
Isang bathala na nakitang tinatangisan ng mga apostatang babaing Hebreo sa Jerusalem noong ikaanim na taon ng pagkakatapon ng propetang si Ezekiel (612 B.C.E.).—Eze 8:1, 3, 14.
Sa mga tekstong Sumeriano, si Tamuz ay tinatawag na Dumuzi at ipinakikilala bilang asawa o kalaguyo ng diyosa ng pag-aanak na si Inanna (si Ishtar ng Babilonya). Iminumungkahi na si Tamuz ay isang hari na ginawang diyos pagkamatay niya. Ang mga tekstong Sumeriano na pinaniniwalaang mula pa noong ika-18 siglo B.C.E. ay nagpapakita na ang mga hari ng Sumer ay iniuugnay kay Dumuzi.
Ganito ang komento nina D. Wolkstein at S. N. Kramer tungkol sa pagkakakilanlan ni Tamuz: “Maraming ‘namamatay na mga diyos’ sa sinaunang Sumer, ngunit ang pinakatanyag ay si Dumuzi, ang biblikal na Tamuz, na tinatangisan pa rin ng mga babae ng Jerusalem noong mga araw ng propetang si Ezekiel. Noong una, ang diyos na si Dumuzi ay isang mortal na tagapamahalang Sumeriano, na ang buhay at kamatayan ay nagkaroon ng malalim na impresyon sa mga intelektuwal at mga mitograpong Sumeriano.” (Inanna, Queen of Heaven and Earth, New York, 1983, p. 124) Karagdagan pa, ganito ang isinulat ni O. R. Gurney: “Si Dumuzi noong una ay isang tao, isang hari ng Erech . . . Bukod diyan, ang pagiging tao ni Dumuzi ay pinatutunayan ng talata sa mitolohiya na doo’y sinasabi niya kay Inanna, ‘Aakayin kita patungo sa bahay ng aking diyos’. Hindi magsasalita ng ganito ang isang diyos.”—Journal of Semitic Studies, Tomo 7, 1962, p. 150-152.