TIATIRA
Ang lunsod na muling itinayo noong maagang bahagi ng ikatlong siglo B.C.E. ng dating heneral ni Alejandrong Dakila, si Seleucus Nicator. Ito ay mga 60 km (40 mi) papaloob mula sa Dagat Aegeano at nasa tabi ng isang sangang-ilog ng Gediz (sinaunang Ilog Hermus) sa kanluraning Asia Minor. Tumanggap ang kongregasyong Kristiyano ng Tiatira ng isang mensahe na isinulat ng apostol na si Juan ayon sa idinikta ng Panginoong Jesu-Kristo.—Apo 1:11.
Ang Tiatira sa ngayon ay tinatawag na Akhisar at mga 250 km (155 mi) sa TTK ng Istanbul at mga 375 km (233 mi) sa S ng Atenas. (LARAWAN, Tomo 2, p. 946) Ang lunsod na ito ay hindi kailanman naging isang malaking metropolis o isang sentro na nagkaroon ng kahalagahan sa pulitika; ngunit ito ay naging isang mayamang sentro ng industriya, na kilala sa maraming gawang-kamay, kasama na ang paghahabi, pagtitina, pagpapanday ng tanso, pagkukulti, at paggawa ng mga kagamitang luwad. Ang negosyo nito ng pagtitina ay malimit banggitin sa mga inskripsiyon. Ginamit ng mga manggagawa ng tina sa Tiatira ang ugat ng halamang madder upang pagkunan ng kanilang bantog na kulay iskarlata o purpura, na nang dakong huli ay nakilala bilang Turkey red.
Si Lydia, na nakumberte sa Kristiyanismo noong panahon ng unang pagdalaw ni Pablo sa Filipos sa Macedonia, ay isang “tindera ng purpura, na mula sa lunsod ng Tiatira.” Maaaring siya ay kinatawan sa ibayong-dagat ng mga pabrikante sa Tiatira, isang negosyanteng maykaya sa buhay at may sariling bahay na malaki-laki upang mapatuloy si Pablo at ang mga kasamahan nito noong panahon ng pananatili nila sa Filipos.—Gaw 16:12-15.
Hindi alam kung kailan at kung sino ang unang nagdala ng Kristiyanismo sa mga taga-Tiatira. Walang rekord na si Pablo o ang iba pang mga ebanghelista ay dumalaw kailanman sa lunsod na iyon o na bumalik doon si Lydia. Posibleng nakarating doon ang mensahe noong panahon ng dalawang-taóng pangangaral (mga 53-55 C.E.) ni Pablo sa Efeso, na mga 115 km (70 mi) sa TK ng Tiatira, sapagkat iniuulat na noon ay “narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego.” (Gaw 19:10) Gayunman, binabanggit na pagkaraan ng mga 40 taon ay nagkaroon ng isang masiglang kongregasyon ng mga Kristiyano sa Tiatira.—Apo 1:10, 11.
Ang Mensahe ni Kristo sa Kongregasyon ng Tiatira. Ang kongregasyong ito, ang ikaapat sa pito na tumanggap ng mensahe, ay pinapurihan dahil sa pag-ibig, pananampalataya, at pagbabata na ipinakita nito. Sinang-ayunan din ang ministeryo nito; “ang [kaniyang] mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” Ngunit bagaman taglay ng kongregasyon ang kapuri-puring mga katangiang ito, isang napakasamang kalagayan ang pinahintulutan ding tumubo at manatili sa loob ng kongregasyong ito. May kinalaman dito ay sinabi ng Panginoon bilang paghatol: “Pinahihintulutan mo ang babaing iyon na si Jezebel, na ang tawag niya sa kaniyang sarili ay propetisa, at nagtuturo siya at inililigaw ang aking mga alipin upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo.” Malamang na ang “babaing” ito ay pinanganlang Jezebel dahil sa kaniyang balakyot na paggawi na katulad niyaong sa asawa ni Ahab, at dahil sa tahasan niyang pagtanggi na magsisi. Gayunman, waring kaunti lamang sa kongregasyon ng Tiatira ang sumang-ayon sa mala-Jezebel na impluwensiyang ito, yamang ang mensahe ay nagpatuloy na magsabi “sa iba pa sa inyo na nasa Tiatira, sa lahat niyaong hindi nagtataglay ng turong ito, sa kanila mismo na hindi nakaalam ng ‘malalalim na bagay ni Satanas.’”—Apo 2:18-29.