TURKESA
Isang batong hiyas na di-gaanong mamahalin, di-napaglalagusan ng liwanag, hindi masinsin ang hilatsa, at may iba’t ibang kulay mula sa mapusyaw na asul na kulay-langit hanggang sa maputlang berde. Binubuo ito ng hydrous phosphate ng aluminyo na may bahid ng tanso (pinagmumulan ng asul na kulay) at bakal (pinagmumulan naman ng berdeng kulay). Kapag ang mga batong asul ay ininit o ibinilad sa araw, ang mga ito ay nagkukulay-berde, na nangyayari kung minsan kapag natuyo ang likas na halumigmig ng mga bato sa paglipas ng panahon. Maaaring ito ang dahilan kung bakit waring popular ang mga berdeng batong turkesa noong sinaunang mga panahon. Ginamit ng sinaunang mga Ehipsiyo ang turkesa sa mga alahas, at matatagpuan ito sa Peninsula ng Sinai bilang mga bukó sa pulang batong-buhangin.
Madaling lilukin ang turkesa dahil ito ay malambot na bato kung ihahambing sa iba. Ang mataas na saserdoteng si Aaron ay naggayak ng nililok na batong turkesa sa kaniyang “pektoral ng paghatol.” Nakaukit doon ang pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel, at ito ay nasa unang posisyon sa ikalawang hanay ng mga bato sa pektoral. (Exo 28:2, 15, 18, 21; 39:11) Ang makasagisag na “pananamit” na isinuot ng hari ng Tiro ay inilalarawang napapalamutian ng turkesa kasama ng bawat iba pang uri ng mahalagang bato. (Eze 28:12, 13) Ang Edom ay “mangangalakal” ng Tiro para sa turkesa, anupat handang ibigay ng Tiro ang ilan sa kaniyang mga nakaimbak bilang kapalit nito.—Eze 27:2, 16.