BIRHEN, DALAGA
[sa Ingles, virgin].
Ang salitang Hebreo na bethu·lahʹ ay tumutukoy sa isang babae na hindi pa kailanman naikakasal sa isang lalaki at hindi pa kailanman nakararanas ng seksuwal na pakikipagtalik. (Gen 24:16; Deu 32:25; Huk 21:12; 1Ha 1:2; Es 2:2, 3, 17; Pan 1:18; 2:21) Gayunman, ang terminong Griego na par·theʹnos ay maaaring kumapit kapuwa sa mga lalaki at mga babaing walang asawa.—Mat 25:1-12; Luc 1:27; Gaw 21:9; 1Co 7:25, 36-38.
Ayon sa Kautusan, kung dinaya ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipakikipagtipan upang masipingan niya ito, bibigyan niya ang ama nito ng 50 siklong pilak ($110), pakakasalan niya ito (kung papayag ang ama ng babae), at hindi siya pahihintulutang diborsiyuhin ito “sa lahat ng kaniyang mga araw.” (Exo 22:16, 17; Deu 22:28, 29) Ngunit ang isang dalagang naipakipagtipan na, palibhasa’y itinuturing na pag-aari na ng isang asawang lalaki, ay dapat batuhin hanggang sa mamatay kung hindi siya sumigaw noong halayin siya. Ang hindi niya pagsigaw ay maaaring magpahiwatig ng pagsang-ayon at sa gayon ay maituturing siyang isang mangangalunya. (Deu 22:23, 24; ihambing ang Mat 1:18, 19.) Dahil ang isang dalagang naipakipagtipan na ay itinuturing na ‘pag-aari’ ng isang asawang lalaki, ipinaliliwanag nito kung bakit maaaring tukuyin sa Joel 1:8 ang ‘isang dalaga’ bilang humahagulhol dahil sa “may-ari ng kaniyang kabataan.”
Yamang mas malayang maglingkod sa Panginoon yaong mga nananatiling birhen, inirekomenda ng apostol na si Pablo ang pagkawalang-asawa bilang ang mas mabuting landasin para sa mga Kristiyanong may pagpipigil sa sarili. (1Co 7:25-35) Gayunman, may kinalaman doon sa mga walang pagpipigil sa sarili, sinabi niya: “Kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat sa kaniyang pagkabirhen, kung iyan ay lampas na sa kasibulan ng kabataan, at ganito ang dapat maganap, gawin niya kung ano ang ibig niya; hindi siya nagkakasala. Hayaan silang mag-asawa.”—1Co 7:36.
Ang salitang Griego na isinaling “pagkabirhen” sa 1 Corinto 7:36-38 ay literal na nangangahulugang “birhen.” Sa dahilang ito ay ipinapalagay na ang tinutukoy ni Pablo ay ang tungkulin ng isang ama o tagapag-alaga sa isang anak na babae na maaari nang mag-asawa. Kaya naman ang The Jerusalem Bible ay kababasahan: “Kung may sinuman na nakadaramang hindi makatarungan para sa kaniyang anak na babae na tumanda nang husto anupat hindi na ito makapag-aasawa, at na dapat niyang asikasuhin ito, malaya siyang gawin ang maibigan niya: hindi siya nagkakasala kung may maganap na pag-aasawa.” Ang isa pang pangmalas ay na tumutukoy ang tekstong ito sa pasiya ng isang lalaki na pakasalan ang babaing ipinakipagtipan sa kaniya. Sinasabi ng American Translation: “Kung iniisip ng isang lalaki na hindi siya gumagawi nang wasto may kaugnayan sa babaing ipinakipagtipan sa kaniya, kung napakasidhi ng kaniyang pagnanasa, at iyon ang dapat gawin, gawin niya ang gusto niya; hindi iyon kasalanan; hayaan silang makasal.”
Gayunman, ipinahihiwatig ng konteksto na ang tinutukoy ay hindi isang babaing birhen kundi ang pagkabirhen mismo ng isang tao. Sinabi ng isang komentarista: “Sa palagay ko ay ipinagpapatuloy rito ng apostol ang kaniyang naunang diskurso, at pinapayuhan niya ang mga walang asawa, na maaaring magpasiya para sa kanilang sarili, kung ano ang dapat gawin; ang birhen ng lalaking iyon ay tumutukoy sa kaniyang pagkabirhen.” (Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible, 1976, Tomo III, p. 1036) Yamang ang salitang Griego na par·theʹnos ay maaaring sumaklaw sa mga lalaking walang asawa, ang saling “pagkabirhen,” gaya ng makikita sa mga salin ni J. B. Rotherham at ni J. N. Darby at gayundin sa Bagong Sanlibutang Salin, ay angkop at waring ang katugmang-katugma ng konteksto.
Espirituwal na Pagkabirhen. Kung paanong isang dalaga, o birhen, lamang ang maaaring kunin ng mataas na saserdote sa Israel bilang kaniyang asawa (Lev 21:10, 13, 14; ihambing ang Eze 44:22), ang dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, ay dapat din namang kumuha lamang ng isang “birhen” bilang kaniyang espirituwal na “kasintahang babae” sa langit. (Apo 21:9; Heb 7:26; ihambing ang Efe 5:25-30.) Kaya naman lubhang nabahala ang apostol na si Pablo tungkol sa kadalisayan ng kongregasyon ng Corinto, palibhasa’y nais niyang iharap ito na “gaya ng isang malinis na birhen sa Kristo.” (2Co 11:2-6) Ang kasintahang babae ni Kristo ay binubuo ng 144,000 pinahiran-ng-espiritung persona na bawat isa ay nag-iingat ng kanilang ‘pagkabirhen’ sa pamamagitan ng pananatiling hiwalay sa sanlibutan at sa pamamagitan ng pag-iingat sa kadalisayan ng kanilang moralidad at mga doktrina.—Apo 14:1, 4; ihambing ang 1Co 5:9-13; 6:15-20; San 4:4; 2Ju 8-11.
Mesiyanikong Hula. Bagaman ang salitang Hebreo na bethu·lahʹ ay nangangahulugang “dalaga,” ibang termino naman (ʽal·mahʹ) ang lumilitaw sa Isaias 7:14: “Narito! Ang dalaga [ha·ʽal·mahʹ] mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito.” Ang salitang ʽal·mahʹ ay nangangahulugang “dalaga” (sa Ingles, maiden) at maaaring kumapit sa isa na di-birhen o birhen. Ikinapit ito sa “dalagang” (maiden) si Rebeka bago siya nag-asawa, nang panahon na tawagin din siyang “isang dalaga” (bethu·lahʹ; sa Ingles, virgin). (Gen 24:16, 43) Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, ginamit ni Mateo ang salitang Griego na par·theʹnos (dalaga; sa Ingles, virgin) upang ipakita na ang Isaias 7:14 ay lubusang natupad nang isilang ng isang birhen si Jesus na Mesiyas. Malinaw na sinabi kapuwa ni Mateo at ni Lucas na ang ina ni Jesus na si Maria ay isang birhen noon na nagdalang-tao sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos.—Mat 1:18-25; Luc 1:26-35.
Mga Lunsod, mga Lugar, at mga Grupo ng mga Tao. Ang terminong “dalaga” (virgin) ay kadalasang ginagamit may kaugnayan sa mga lunsod, mga lugar, o mga grupo ng mga tao. Binabanggit ang “dalaga” o “anak na dalaga” ng “aking bayan” (Jer 14:17), gayundin ng Israel (Jer 31:4, 21; Am 5:2), Juda (Pan 1:15), Sion (2Ha 19:21; Pan 2:13), Ehipto (Jer 46:11), Babilonya (Isa 47:1), at Sidon (Isa 23:12). Waring ang diwa ng ganitong makasagisag na paggamit ay na ang iba’t ibang grupo ng mga tao o mga lokasyon na tinutukoy nang gayon ay alinman sa hindi pa naaagaw at nasasamsaman ng banyagang mga manlulupig o dating hindi dumaranas ng panunupil tulad ng isang dalaga o birhen.