ZEBOIIM
Isang lugar na binanggit may kaugnayan sa hangganan ng teritoryong Canaanita. (Gen 10:19) Ang Zeboiim ay isa sa limang estadong-lunsod ng Distrito na naghimagsik pagkatapos ng 12-taóng pamumuno sa kanila ni Kedorlaomer. Ang hari nitong si Semeber ay nakipagsanib-puwersa sa mga tagapamahala ng Sodoma, Gomorra, Adma, at Bela (Zoar). Lumilitaw na ang mga ito ay nalupig ni Kedorlaomer at ng kaniyang tatlong kakampi sa Mababang Kapatagan ng Sidim. Sa pagkatalong ito, si Lot ay nabihag. At noong dakong huli, natalo naman ni Abraham ang mga sumalakay. (Gen 14:1-16) Kabilang ang Zeboiim sa balakyot na mga lunsod ng Distrito na pinuksa ni Jehova kasama ng Sodoma at Gomorra. (Gen 19:24, 25; Deu 29:22, 23; Os 11:8) Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Sa ngayon, naniniwala ang maraming iskolar na ang orihinal na lugar nito ay nasa ilalim na ng Dagat na Patay. Bagaman kamakailan, may mga nagsasabi na ang mga guho ng lunsod ay maiuugnay sa isang lugar na nasa kahabaan ng isang wadi sa dakong TS ng Dagat na Patay.