Katarungan Para sa Lahat—Paano Matutupad?
BAKIT pinayagan ni Jehova na lumaganap sa lupa ang pang-aapi? Sapagkat ganoon ang gusto ng tao! Sa una, iba ang mga bagay-bagay. Nang lalangin sina Adan at Eva sila ay sakdal. Sila’y bahagi ng paglalang na sinabi ng Diyos na “napakabuti.” (Genesis 1:31; Deuteronomio 32:4) Noon ay wala pang Satanas, at tuwirang pinamamahalaan ng Diyos ang tao. Kaya, walang pang-aapi pa noon.
Ngunit hindi iyon nagtagal. Isang sakdal na espiritung nilalang ang naghimagsik at naging si Satanas. Nag-anyong ahas at kaniyang inakit si Eva na maging malasarili. Iisa lamang pagbabawal ang ibinigay ng Diyos sa unang mag-asawa. Huwag silang kakain ng bunga ng isang puno doon. Kung kakain sila, sila ay mamamatay. Ngunit sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kayo’y kumain ay madidilat ang inyong mga mata at kayo ay magiging kagaya ng Diyos na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:1-5.
Si Eva, at pagkatapos si Adan, ang lumabag sa batas ng Diyos. Ibig nilang maging gaya ng Diyos, magpasiya ng kung ano ang tama at mali. Kaya, sila’y tumalikod sa Diyos at nagbigay daan sa pagtatayo ng pamamahala ng tao, at sa lahat ng mga problemang ito.
Nagbago rin ang pangangatawan nina Eva at Adan. Sila’y hinatulan ng Diyos ng kamatayan, gaya ng sinabi na nga niya. Sila’y naging di-sakdal, at ang buong sangkatauhan ay naging di-sakdal—bilang kanilang mga supling. Pinaliliwanag ito ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil sa silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Kaya nakita na ngayon ang sanhi ng pang-aapi.
Subalit, mababasa natin: “Sa pamamagitan ng katarungan pinamamalagi ng isang hari na nakatayo ang isang lupain.” (Kawikaan 29:4) Ang lipunan ng tao ay hindi lubusang ‘tatayo o magiging matatag hanggat hindi pinaiiral ang katarungan sa buong lupa. Mangyayari kaya iyan?
Ang Kaharian ng Diyos at ang Katarungan
Yamang ang Diyos na Jehova ay “umiibig sa katarungan,” matitiyak natin iyan. (Awit 37:28) Papaano? Pinaliliwanag iyan ng panalangin ng Panginoon. Daan-daang taon na ang taimtim na mga Kristiyano ay nanalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, ang mga naisin ng Diyos ang magaganap dito sa lupa sa wakas.
Ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay isang tunay na pamahalaan. Ito’y makalangit, mas makapangyarihan kaysa ano mang pamahalaan ng tao. Ito’y may isang Hari na hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo, na magpapatupad ng katarungan. (Awit 72:12-14) Ipinangako ni Jehova na kaniyang pagpapalain ang pamahalaang ito ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, “upang itatag ito at upang alalayan sa pamamagitan ng katarungan at ng katuwiran.”—Isaias 9:7.
Ang mga hula na natutupad ngayon ay nagpapatunay na ang Kahariang ito ay umiiral na. (Lucas 21:31, 32) Si Jesus ay isang Hari na! Ngunit paano siya magdadala ng katarungan sa sangkatauhan sa kabila ng lahat ng mga balakid? Tingnan natin.
Ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay isang pamahalaang pandaigdig. Inihula ni Jehova: “Siya [si Kristo] ay magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat hanggang sa dagat at mula sa ilog hanggang sa kaduluduluhan ng lupa.” (Awit 72:8) Pagka ito’y natupad na sa buong lupa, isang pinagmumulan ng pang-aapi ang mawawala. Hindi na ang tao ang magpupuno sa kaniyang sarili. Ngunit paano mangyayari ito, gayong napakaraming pamahalaan ngayon na bawat isa’y nagsisikap na manghawakan sa kaniyang sariling pamamahala?
Ang totoo ay, tinakdaan ng Diyos ng hangganan ang mga pamahalaang ito ng tao at dumating na ang panahon ng katapusan nito. Tungkol sa lahat ng mga pamahalaan ng tao sa ngayon, isinulat ni propeta Daniel: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng kaharian na hindi kailanman magigiba. At ang kaharian ay hindi mapapalipat sa kanino mang ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at ito sa ganang sarili ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Sa ganito, isang pamahalaang pandaigdig, ang Kaharian ng Diyos, ang malapit nang humalili sa mga pamahalaan ng tao at magpuno ng may katarungan. Anong laking pagbabago ito! Subalit, nariyan pa rin ang problema tungkol kay Satanas. Papaano siya aalisin ng Kaharian ng Diyos?
Ang Kaharian ng Diyos at si Satanas
Maaga sa kasaysayan ng tao ay lumitaw na si Satanas, at siya ang nanghimok kay Eva na maghimagsik sa Diyos. Kaya nang hatulan ng Diyos sina Adan at Eva dahil sa kanilang kasalanan, hindi kinalimutan ng Diyos si Satanas. Kaniyang inihula ang pagdating ng isang “binhi” na sasalansang kay Satanas, at lilipulin siya: “Pag-aalitin ko ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at susugatan mo siya sa sakong.” (Genesis 3:15) At ang ipinangakong binhing ito ay si Jesu-Kristo. (Galacia 3:16) Dalawang pagsasagupaan na ang naganap sa pagitan ni Satanas at ni Jesus bilang isang maliit na katuparan ng sinaunang hulang iyan.
Ang una ay waring isang tagumpay para kay Satanas. Kaniyang minaniobra ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos. Sa gayon ‘nasugatan’ ang “sakong” ni Jesus. Ngunit sandali lamang nagtagumpay si Satanas. Si Jesus ay binuhay-muli at dinakila sa isang mataas na posisyon sa langit. (Gawa 2:23, 24, 32-36) At nang takdang panahon ay iniluklok siya ng Diyos na Jehova bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. At sumunod ang isang makasaysayang sagupaan.
Ang mga resulta ay inilalarawan sa Bibliya: “Inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Ang resulta? Kagalakan sa langit, na ngayon ay malinis na buhat sa impluensiya ni Satanas. Subalit “sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo na may malaking galit sa pagkaalam niya na mayroon siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:9, 12) Tayo’y nabubuhay sa “maikling yugto ng panahon” na iyan ngayon. Marami sa mga pang-aapi na nakikita natin ay dahilan sa “malaking galit” ni Satanas.
Hindi na magtatagal at magkakaroon pa ng isang sagupaan si Satanas at si Jesu-Kristo. Nilalarawan din ito ng Bibliya: “At sinugatan niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya ng isang libong taon. At siya’y inihagis sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ang pinto, upang siya’y hindi na makapandaya pa sa mga bansa hanggang sa matapos ang sanlibong taon.”—Apocalipsis 20:2, 3.
Ito’y malapit nang maganap pagka ang Kaharian ng Diyos ang humalili sa mga pamahalaan ng sanlibutang ito. Ang wakas ay ang katapusang paglalaban pagka, gaya ng inihula ng Bibliya “ang Diyablo . . . [ay ibubulid] sa dagatdagatang apoy at asupre,” upang siya’y mapuksa, at ito ang ‘pagsugat sa kaniyang ulo.’—Apocalipsis 20:10.
Sa gayon, maaalis ang isa pang hadlang sa katarungan. Subalit narito pa rin ang sariling di-kasakdalan ng tao. Karamihan ng pang-aapi sa daigdig ay tao mismo ang may likha. Ano ang magagawa ng Kaharian ng Diyos tungkol diyan?
Ang Kaharian ng Diyos at ang Di-kasakdalan ng Tao
Ang di-kasakdalan ng tao ay nagsimula nang magkasala sina Adan at Eva. (Roma 5:12) Lahat ng supling ni Adan, maliban sa isa, ay naging makasalanan. Ang hindi kasali rito ay si Jesus. Siya’y isinilang ng kahimahimala at walang kasalanan, at sa buong buhay niya siya’y nanatiling tapat at walang kasalanan. (Hebreo 7:26) Sa gayon, makapaghahandog siya ng sakdal buhay-tao bilang pantubos sa di-sakdal na sangkatauhan. Kaniyang nilutas ang problema ng di-kasakdalan ng tao. “Kung paanong kay Adan lahat ay namamatay, gayundin sa Kristo lahat ay mabubuhay.”—1 Corinto 15:22.
Malapit na, yaong mga nagpipilit na mang-api ay mawawalan ng dako sa isang malinis na lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ngunit yaong mga may pananampalataya sa hain ni Jesus ay magtatamo ng mga dakilang pagpapala. “Ang matuwid ang mananahan sa lupa, at ang walang kapintasan ang matitira dito. Para sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa lupa.” (Kawikaan 2:21, 22) Sa gayo’y mawawala ang isa pang hadlang sa katarungan.
Ang Kaharian ng Diyos at Ikaw
Oo, si Jesus, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, ang mag-aalis sa lahat ng mga hadlang sa katarungan sa buong lupa. At matutupad ang ipinangako: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay tayo . . . at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13) Sa matuwid na lupang iyan ay walang dako ang pang-aapi.
Ang mga pagpapalang ito ay sa hinaharap pa. Ngunit, kahit na ngayon, ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus ay gumagana na, at maaari tayong makinabang dito. Si Jesus na rin ang humula na sa ating kaarawan “ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:14) Natutupad na ang hulang iyon. Marami ang tumutugon sa pangangaral at napasasakop sa Kahariang iyan kahit na ngayon. Sa ganitong paraan ay natutupad ang mga inihulang ito:
“Mangyayari na sa huling bahagi ng mga araw na . . . maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at humayo tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem.”—Isaias 2:2, 3.
Ang angaw-angaw sa buong lupa na tumutupad ng hulang yaon ay nag-aaral ng Bibliya at natututong mamuhay ayon sa ibig ng Diyos. Bukod sa iba pang mga bagay, nagsisikap sila na mamuhay ayon sa mga salita ni propeta Mikas: ‘Ang gumawa na may katarungan kasama ng kanilang Diyos.’ (Mikas 6:8) Sila’y may taimtim na hangarin na mamuhay sa ilalim ng isang pamahalaan ng katarungan. Kahit na ngayon tinatamasa nila ang maraming pagpapala buhat sa pamahalaang iyon gaya ng inihula ni propeta Isaias: “Narito! Isang hari ang maghahari sa katuwiran; at mga prinsipe ang magpupuno sa katarungan.”—Isaias 32:1.
Ibig mo bang makita ang isang daigdig na doo’y umiiral ang katarungan? Kung gayon, ilagak ang iyong tiwala sa Kaharian ng Diyos. Makisama na ngayon sa mga tao na may ganong hangarin. At kung magkagayon asam-asamin mo nang may pagtitiwala ang pamumuhay magpakailanman sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos na “mangingibig sa katuwiran at katarungan.”—Awit 33:5.